Pagsasampa ng kasong frustrated homicide sa 2 lider-masa sa Cebu, kinundena

Kinundena ng Karapatan-Central Visayas at mga progresibong grupo ang anila’y gawa-gawang kasong frustrated homicide na isinampa laban kina John Ruiz III, koordineytor ng Bayan Muna Central Visayas, at Jhonggie Rumol, dating direktor ng Visayas Institute for Human Development Agency, Inc. Sina Ruiz at Rumol ay idinadawit sa naganap na armadong engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at 79th IB sa Sityo Sereje, Barangay San Isidro, Toboso, Negros Occidental noong Abril 6.

Naunang napag-alaman ng dalawa, sa tulong ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Negros, na balak silang sampahan ng militar ng kasong frustrated murder. Ibinaba ito ng piskal tungong frustrated homicide at isinampa sa korte. Nagpyansa sila noong Disyembre 18 para sa kanilang pansamantalang kalayaan kaugnay ng kaso. Mayroong limang pangalan pang idinadawit ng militar sa kaso.

Ayon sa Karapatan-Central Visayas, pangunahing may pananagutan sa panggigipit na ito ang National Task Force-Elcac at Anti-Terrorism Council. Ang pagtarget umano ng militar sa mga kritiko ng gubyerno sa pagsasampa ng gawa-gawang mga kasong kriminal ay naglalayong pigilan ang paglakas ng kilusan ng mamamayan laban sa terorismong inihahasik ng estado.

“Ang reklamong ito ay batay sa kasinungalingang hinabi ng 79th IB sa kanilang desperasyong tugisin ang mga armadong rebelde at kamtin ang kanilang target na ideklarang insurgency-free ang Negros sa 2024,” ayon sa Karapatan-Central Visayas.

Katawa-tawa umano ang pagdadawit sa kanilang pangalan, at paratang na nakita ang kanilang mga mukha ng mga sundalo, sa naturang armadong engkwentro gayong kilala silang mga aktibistang nangunguna sa mga kampanya at pakikibakang masa sa syudad, ayon kay Ruiz sa isang pahayag. Gayunpaman, sinabi niyang handa silang harapin ang kaso sa korte.

Dati nang nakararanas ng panggigipit mula sa estado si Ruiz. Noong Enero 2021, ilang ulit siyang nakatanggap ng mga text ng pagbabanta sa kanyang buhay. Target din siya ng Red-tagging ng militar laluna noong kasagsagan ng kampanya laban sa pribatisasyon ng Carbon Public Market noong 2021 sa Cebu City. Samantala, ang kasong frustrated homicide ang ikalawang kasong isinampa laban kay Rumol ngayong taon lamang.

Giit ng Karapatan-Central Visayas, “tulad ng iba pang mga gawa-gawang kaso, mahigpit naming ipinapanawagan na ibasura ang mga kasong ito.” Anila, humuhugot sila ng motibasyon at pag-asa sa kamakailang ibinasurang mga kaso laban sa mga pambansang lider ng Bagong Alyansang Makabayan, at mga aktibista ng Southern Tagalog na sinampahan ng mga kasong may kaugnayan sa “terorismo.”

AB: Pagsasampa ng kasong frustrated homicide sa 2 lider-masa sa Cebu, kinundena