Organisasyong tumutulong sa mga biktima ng sakuna sa Bicol, ni-red-tag ng AFP
Kinundena ng Tarabang para sa Bicol, Inc. (TABI), grupong tumutulong sa mga nakaligtas sa sakuna sa Bicol, ang Red-tagging at panggigipit ng AFP sa kanilang istap at konsultant.
Nabahala ang grupo sa malisyosong mga paskil na lumaganap sa Albay, Sorsogon at Camarines Sur na nag-uugnay sa mga tauhan nito sa rebolusyonaryong kilusan. Nagsimula kumalat ang mga paskil noong Nobyembre 30.
Ilan sa mga target ng paskil ay si Aubrey Versoza, executive director ng TABI; Dr. Rose Sambo, koordineytor at konsultant ng Bicol Farmers School Training, at myembro ng faculty ng Sorsogon State University-Castilla Campus, at Sherra Buen, istap ng TABI. Biktima din sila ng surbeylans, intimidasyon at paghaharas sa kanilang pamilya.
“Tinututulan nang buong tapang ng buong pamunuan ng TABI ang mga walang-basehang paratang na ito at ang patuloy na pagtatangkang takutin ang mga development worker na buong-pusong nagtalaga ng kanilang sarili sa tunay at walang-kapalit na paglilingkod sa bayan. Ang ganitong mga kilos ay iresponsable, mapanganib at naglalagay sa mga developmental worker at kanilang pamilya sa kapahamakan,” paliwanag ni Verzosa.
Noong Disyembre 3, nagpa-blotter ang mga biktima sa kani-kanilang barangay at naghain ng kanilang salaysay sa Commission on Human Rights sa rehiyon. Nagpatulong din sila sa barangay para ipatanggal ang mga paskil.
Ang TABI ay isa sa nangunguna sa pagtugon sa mga sakuna, kabilang ang pagputok ng bundok Bulusan at bulkang Mayon, pagbaha at bagyo, at epekto ng El Nino o tagtuyot. Ang organisasyon din ang nangangasiwa sa Bicol Farmers School Project, kung saan nagsasanay ito ng mga magsasaka-teknisyan na magsusulong at magpapalawak ng praktika hinggil sa agroecology o agrikultura na naka ayon sa kapalibutan, sa rehiyong Bikol.
“Hindi katanggap-tanggap na sa halip na pinapanagot ang mga sangkot sa malawakang korpsyon, ang mga humanitarian at community-based na organisasyon ang pinupuntirya, dinudungisan ang pangalan, at inilalagay sa panganib.” dagdag ni Versoza.
Nananawagan ang TABI para sa agarang pagtigil sa lahat ng porma ng Red-tagging at panggigipit, Gayundin ang pagtitiyak ng mga nasa awtoridad ang kaligtasan, karapatan at proteksyon ng mga developmental workers at boluntir sa komunidad sa buong rehiyon.