Balita

Pag-aresto sa dalawang organisador ng paggawa, kinundena

,

Kinundena ng militanteng sentrong unyon sa Southern Tagalog na Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno (Pamantik-KMU) ang pag-aresto ng mga pwersa ng estado sa dalawa nitong organisador kahapon, Oktubre 27, sa Makati City. Ang dalawa ay kinilala bilang sina Gavino Panganiban, upisyal sa kampanya ng Pamantik-KMU, at si Maritess David mula sa pederasyong OLALIA-KMU.

Ayon sa mga pulis, kumakaharap si Panganiban sa kasong pagpatay at tangkang pagpatay sa isang korte sa Infanta at Gumaca sa Quezon habang si David ay mayroong kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa isang korte sa Santa Rosa, Laguna.

“Nanindigan kami na ang mga paratang laban kina Panganiban at David ay ganap na walang batayan at ginawa lamang upang supilin ang pagtutol ng mga manggagawa sa hindi tumataaas na sahod sa harap ng mataas na presyo,” pahayag ni Antonio Fajardo, tumatayong tagapangulo ng Pamantik-KMU.

Paliwanag ng sentrong unyon, ang paratang kay David ay batay sa reyd ng mga pulis sa dating upisina ng Alyansa ng Manggagawa sa Engklabo sa Barangay Market Area, Santa Rosa City noong Marso 30, 2021, ilang linggo matapos ang madugong Bloody Sunday o sabayang operasyon ng pagpatay at pag-aresto ng rehimeng Duterte sa mga aktibista sa Southern Tagalog.

Ang dalawang organisador ay nagmomonitor sa sitwasyon ng mga manggagawa at nagkokoordineyt ng mga operasyon sa ayuda at pangkagalingan sa Southern Tagalog nang inaresto ng mga pwersa ng estado. Kabilang ang Southern Tagalog sa mga rehiyong pinakasinalanta ng bagyong Kristine sa nagdaang linggo.

“Hindi pa nakakabangon ang Luzon sa matinding bagyo, hikahos ang mga manggagawa, pero ang inaatupag ni Marcos Jr., ng AFP at PNP, panunupil at pang-aaresto ng mga naglilingkod at tumutulong sa manggagawa,” pagdidiin ni Fajardo.

Si Panganiban ay unyonista mula sa Plastic Group and Fine Chemicals noong dekada 1980 habang si David ay isang dating guro na naging paralegal at organisador ng mga manggagawa.

Sa ulat ng MayDay Multimedia, nananatili pa ang presensya ng kapulisan sa Pililla Street sa Makati City kung saan inaresto ang dalawang organisador. Mayroong impormasyon na naghihintay ang mga pulis ng isang search warrant para rekisahin ang lugar. Nangangamba ang mga manggagawa na gagamitin itong pagkakataon ng mga pulis para magtanim ng ebidensya o palabasing mayroong armas na nakumpiska sa dalawa.

Nanawagan ang Pamantik-KMU na kilalanin ang karapatan nina Panganiban at David para sa piniling abugado at bigyan ng karampatang medikal na atensyon. Si Panganiban ay mayroong mga problema sa mata habang pareho silang mayroong iniindang altapresyon.

Dagdag ng Pamantik-KMU, ang panggigipit at pag-aresto sa dalawa ay higit na nagpapatunay lamang sa pag-aaral ng International Trade Union Confederation Global Rights Index na walong sunud-sunod na taon, mula 2017, nang kabilang ang Pilipinas sa 10 bansang pinakamasasahol na lugar para sa mga manggagawa.

AB: Pag-aresto sa dalawang organisador ng paggawa, kinundena