Singilin ang mga krimen ni Marcos Sr laban sa bayan
Ilang araw bago ang ika-50 anibersaryo ng batas militar ni Ferdinand Marcos Sr, walang kahihiyang ipinagtatanggol ni Ferdinand Jr ang mga krimen laban sa bayan ng kanyang amang diktador. Sinabi pa niyang “normal lamang” ang mga pang-aabusong militar dahil sa kalagayang may gera noon sa ating bansa.
Sa harap ng pagtatangkang ibaon sa limot at kasinungalingan ang mga krimen ng diktadurang Marcos, obligadong sariwain natin, ipaalala at balik-balikan ang malagim na mga gunita ng 14-taong paghaharing militar ni Marcos Sr. Partikular sa mga kabataan, dapat masusing pag-aralan ang ating kasaysayan, itakwil ang pambabaluktot, ipangibabaw ang katotohanan at humalaw ng mga aral.
Kaugnay nito, inilabas ng Ang Bayan ang serye ng mga artikulo ngayong taon: “Pagbalik-tanaw sa mga masaker sa mga Moro sa panahon ng diktadurang US-Marcos” (Ang Bayan, Marso 21), “Malalagim na alaala ng mga pagmasaker ng diktadurang Marcos,” “Masaker sa Sag-od” (Abril 12); “Ang Masaker sa Tulay ng Bacong River sa Culasi” (Abril 13); “Ang Madugong Huwebes sa Escalante City” (Abril 14); “Isang Madugong Linggo ng Hunyo sa Daet” (Hunyo 25); “Masaker sa San Rafael, Bulacan: Ang mga Bulaklak ng Inang Bayan” (Hunyo 27); at “Ang Masaker sa Guinayangan, Quezon” (Hunyo 28).
Iilan lamang ito sa mahigit 900 masaker sa buong bansa na naitala ng mga rebolusyonaryong pahayagan at ng binansagang “mosquito press” (ang mga dyaryo’t dyornal na hindi kontrolado ng mga kroni ni Marcos).
Masaker sa Ibajay River
Nagsasagawa ng kanilang gawaing propaganda at pag-organisa sa Barangay Naligusan, Ibajay, Aklan ang semi-ligal na pangkat nina Edward L. Dela Fuente noong Abril 12, 1984 nang kubkubin ng mga sundalo ng 47th IB. Nakaatras ang pangkat na nasandatahan lamang ng maiikling armas. Nang makatawid sa Ibajay River sa hangganan ng mga barangay Agdugayan at Unat sa parehong bayan, tinambangan sila ng mga tropa ng Philippine Constabulary (PC) na pinamunuan ni Major Wilfredo Blanco.
Nasawi sa ambus si Alyas Johnny habang nadakip na buhay sina Dela Fuente (Ka Ponso) at Antonio Diore Mijares, bagamat mga sugatan. Sa halip na bigyan ng panimulang lunas at respetuhin bilang mga “prisoner of war“ (POW), dumanas ng matinding pagpapahirap sina Dela Fuente at Mijares bago sila pinatay. Ayon sa mga nakasaksing magsasaka, ginapos ng alambreng tinik ang mga kamay ng dalawang bihag, ipinahila sa kalabaw mula sa pampang ng Ibajay River tungo sa kalsada ng Unat na nasa isang kilometro ang haba. Binansagan ang masaker na ito bilang “Bloody Holy Thursday.”
Iba pang mga masaker
Pinaulanan ng bala ang bahay ng pamilyang Gumapon ng tribong Subanon habang sila ay natutulog sa Sityo Gitason, Barangay Lampasan, bayan ng Tudela sa Misamis Occidental noong Agosto 24, 1981. Ang nang-istraping ay mga kasapi ng paramilitar na tinatawag na Rock Christ, isang panatikong grupong nagsisilbi rin sa militar. Sa 12 na natutulog noon sa bahay, 10 ang napatay kabilang ang isang sanggol.
Sa bayan ng Talugtog, Nueva Ecija dinampot ng militar ang 5-kataong may mga edad 20-taong gulang noong Enero 3, 1982 bandang alas-7:00 ng gabi. Sa sunod na araw, natagpuan sila na wala nang mga buhay. Binansagan silang mga “tagasuporta ng kilusang komunista”.
Sa Zamboanga del Sur noong Pebrero 12, 1982, pinatay ang 12 katao upang ipaghiganti ang pagkapatay ng isang lider ng Ilaga sa kamay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang mga salarin ay mga kasapi ng notoryus na grupong Ilaga, isang teroristang kulto na bantog sa kanibalismo (pagkain ng tao) at naglilingkod din bilang mga Civilian Home Defense Forces.
Sa Bayog, Zamboanga del Sur, noong Mayo 25, 1982 naghulog ng mga bomba ang mga eroplano ng Philippine Air Force sa Barangay Dimalinao. Tatlo ang napatay at walo pa ang nasugatan. Paghihiganti umano ng militar ang pambobomba sa komunidad dahil sa pagkapatay ng isang sundalo sa isang labanan sa mga Pulang mandirigma ng BHB.
Samantala sa Barangay Masaymon, bayan ng Hinunangan, Southern Leyte walo katao ang minasaker ng mga tropa ng 357th PC Company noong Marso 23, 1982. Anim sa walong biktima ay tatlo hanggang 18 taong gulang lamang.