Balita

Pagbabawal sa aktibistang mula US na makapasok sa Pilipinas, binatikos

,

Binatikos ng Karapatan ang pagbabawal ng rehimeng Marcos sa aktibistang si Copeland Downs na makapasok sa Pilipinas noong Oktubre 5. Si Downs ay tagapangulo ng Portland Committee for Human Rights in the Philippines at aktibong kasapi ng International Coalition on Human Rights in the Philippines (ICHRP)-US. Nakatakda siyang dumalo sa ika-6 na Pambansang Kongreso ng Karapatan bilang alyado at tagamasid.

Hinarang siya sa paliparan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI). Hinalughog ang kanyang mga gamit, kinumpiska ang kanyang pasaporte at kalaunan ay pinabalik sa bansang pinanggalingan.

Napag-alaman ng Karapatan na inilagay ng gubyerno ng Pilipinas sa “blacklist” si Down dahil sa pagdalo niya sa isang rali dito noong 2022.

Iginiit ni Downs na bumisita lamang siya sa mga komunidad ng mga magsasaka at maralitang lungsod sa Pilipinas bilang bahagi ng internasyunal na mga tagapagmasid na nag-imbestiga noong eleksyong 2022.

“Tulad ng nakaraang mga rehimen, ang administrasyong Marcos Jr ay umaabot sa paglabag sa karapatan sa internasyunal na pakikiisa, sa kalayaang makakilos, at iba pang kalayaang sibil para pabanguhin at itago ang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas na ginagawa nito sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Ayon kay Palabay, nagiging target ng ganitong “blacklist” ang mga grupo at alyadong nagbabantay sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa. Binabansagan silang mga kriminal o terorista para pigilan silang makiisa at magsalita laban sa mga nangyayaring paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas.

Hindi bababa sa 17 insidente ng pag-atake laban sa mga akitibistang nakikiisa mula dayuhang bansa at mga kasapi ng ICHRP ang naitala ng grupo mula 2018. Kabilang sa mga ito ang kaso ng pagmamanman habang bumibisita sa Pilipinas, panghaharas, Red-tagging at iba pa. Hindi rin naging ligtas sa panggigipit at deportasyon ang madreng Australian na si Sister Patricia Fox ng dating rehimeng Duterte.

Nanawagan ang Karapatan sa rehimeng Marcos na ibasura nito ang patakaran ng pagbabawal sa mga aktibistang mula sa ibayong bayan na makapasok sa Pilipinas. Hamon din umano ito sa internasyunal na komunidad at mga grupo na palakasin pa ang pakikiisa sa mga demokratikong grupo sa Pilipinas at pahigpitin pa ang pagbabantay sa sitwasyon ng karapatang-tao sa bansa.

AB: Pagbabawal sa aktibistang mula US na makapasok sa Pilipinas, binatikos