Pagkaka-aresto ni Rodrigo Duterte para sa mga krimen sa sangkatauhan, ikinagalak ng sambayanang Pilipino
“Duterte, panagutin!” ang umalingawngaw na sigaw ng iba’t ibang demokratikong organisasyon sa Pilipinas at ibayong dagat sa mga demonstrasyon kasunod ng pagkaka-aresto ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 sa kasong krimen laban sa sangkatauhan ng pagpaslang. Ang pag-aresto kay Duterte ay isinagawa batay sa mandamyento de aresto na inilabas ng International Criminal Court (ICC). Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Philippine National Police sa hiling ng International Criminal Police Commission (Interpol).
Isinagawa ang paghahain ng mandamyento kay Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 pagkarating niya mula sa Hong Kong bago magtanghali ng Marso 11. Dinala siya sa Villamor Airbaise sa Pasay City para sa ipatingin sa duktor at pagpuproseso ng mga papeles. Inilipad siya patungong The Hague, Netherlands kinagabihan. Naipailalim siya sa kustodiya ng ICC noong Marso 12 at ngayon ay nakakulong sa pasilidad sa detensyon ng ICC.
Ang mandamyento para sa mga reklamong krimen laban sa sangkatauhan sa kasong pagpaslang, panggagahasa at pagtortyur ay hiniling ng Office of the Prosecutor ng ICC noong Pebrero 10 sa Pre-Trial Chamber 1 ng korte. Ang hakbang na ito ng prosekusyon ng ICC ay kasunod ng ilang taong imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya laban kay Duterte.
Noong Marso 7, matapos ang pagsusuri sa mga isinumiteng dokumento ng prosekusyon ay naglabas ang Pre-Trial Chamber 1 ng sikretong mandamyento de aresto laban kay Duterte sa pagiging hindi tuwirang tagapagpatupad ng krimen sa sangkatauhan na pagpaslang na sinasabing isinagawa niya sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019. Pinirmahan ito ng mga huwes na sina Presiding Judge Iulia Antoanella Motoc, Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera.
Ayon sa mandamyento, lumilitaw na imbwelto si Duterte sa mga pagpaslang bilang tagapagtatag at pinuno ng Davao Death Squad habang meyor ng Davao City at kasunod bilang pangulo ng Pilipinas. Isinagawa ng mga tauhan ni Duterte ang ekstra-hudisyal na pagpaslang sa ngalan ng “gera kontra droga.”
Ikinagalak ng mga grupo, laluna ng mga kaanak ng biktima ng madugong gera kontra droga, mga aktibista at iba pang pinaslang sa ngalan ng teroristang estado ni Duterte, ang pag-aresto kay Duterte. “Walang katumbas ang saya ang naramdaman ko, kasabay ng pagluha dahil sa saya sa pag-aresto kay Duterte,” ayon kay Nanay Dahlia Cuartero, ina ng isang biktima ng gera kontra droga at kasapi ng Rise Up Mothers.
Ayon namna kay Jane Lee, asawa ng isa ring biktima, halu-halo ang kanyang emosyon dahil sa pagkaaresto ni Duterte. “Naiiyak ako, gustong gusto ko siyang (Duterte) makitang nakakulong. Pagbayaran nila ang ginawa nila sa amin. Siya inaresto palang ng mga kapulisan, ang aming mga kaanak pinatay agad. Napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng makapangyarihan at ordinaryong taong tulad namin,” aniya.
Pahayag ni Atty. Neri Colmenares, abugado ng mga biktima at tagapangulo ng Bayan Muna, isang makasaysayang pagkakataon para sa karapatang-tao sa Pilipinas ang pagkakaaresto ni Durtete. “Matapos ang ilang taon ng impunity, nasasaksihan na natin sa wakas ang kongkretong mga hakbang tungo sa pananagutan,” anang abugado.
Nagpaalala siya na mahaba pa ang babagtasing daanan para makamit ang hustisya ngunit sinabing ang pagkaaresto kay Duterte ay isang mahalagang panandang-bato. “Nagbibigay ito ng pag-asa sa libu-libong mga pamilya na nangungulila ngayon sa kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag niya.
Noong hapon ng Marso 11, kabi-kabilang protesta ang inilunsad sa buong bansa. Mahigit 500 ang nagtipon para sumigaw ng hustisya sa Welcome Rotonda sa Quezon City sa pangunguna ng mga pamilya ng biktima, hindi lamang ng gera kontra droga, kundi ng patakaran sa pagpaslang sa mga aktibista ng rehimeng Duterte.
Nagkaroon din ng mga pagkilos, karamihan sa pangunguna ng mga grupo ng kabataan, sa La Union, Baguio City, Pasig City, Laguna, Tarlac, Iloilo City, at Cebu City. Kumilos din ang mga estudyante sa loob ng mga kampus ng University of the Philippines (UP) sa Los Baños, Diliman, Manila, at Mindanao; Polytechnic University of the Philippines-Manila, University of Sto. Tomas, De La Salle University, at Ateneo de Manila University.
Nanindigan rin ang mga migranteng Pilipino sa maraming bahagi ng mundo laban kay Duterte. Nagkaroon ng mga protesta sa United States, United Kingdom, at iba pang mga bansa. Nagmartsa ang mga progresibong organisasyon sa upisina ng ICC sa The Hague para ipanawagan ang pananagutan kasabay ng pagdating ni Duterte sa pasilidad.
Samantala, nagpaalala ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa pagkakaaresto ni Duterte na hindi ito simpleng usapin ng “pampulitikang tunggalian” sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na ipinipinta ng mga tagasuporta ng mga Duterte. “Hindi si Marcos ang hero at hindi si Duterte ang biktima sa kwentong ito. Ang tunay na biktima ay yung mga pamilyang namatayan at ang mamamayang Pilipino. Ang tunay na hero, ang mga nanay na inilaban ang kasong ito sa kabila ng mga balakid na nilkha ng administrasyong Marcos,” pahayag ni Renato Reyes, presidente ng Bayan.
Nakatakdang humarap si Duterte sa mga mga huwes ng Pre-Trial Chamber I ng ICC ngayong araw, Marso 14 sa ganap na alas-2 ng hapon sa Netherlands (gabi sa Pilipinas). Sa pagdinig na ito ay titiyakin ang pagkakakilanlan ni Duterte, ipababatid ang mga reklamong nakasampa sa kanya at ipaliliwanag ang mga karapatan niya sa ilalim ng ICC.
Kaugnay nito, mayroong nakatakdang mga kilos protesta ang mga grupo sa pangunguna ng Karapatan at Bayan para panagutin si Duterte. Ilulunsad ang mga pagkilos sa Pilipinas at ibayong dagat.