Pagkundena sa gerang agresyon ng imperyalismong US, sentral na tema ng rebolusyonaryong dulaang iglap
Naglunsad ng dulaang iglap ang iba’t ibang alyadong rebolusyonaryong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nakasentro sa pagkundena sa gerang agresyon ng imperyalismong US sa iba’t ibang panig ng mundo. Ayon sa ulat ng na ipinadala ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas)-Ka Soral Malaya noong Mayo 29, ang dula ay isinagawa noong Abril 28 sa kahabaan ng Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City. Bahagi rin ang pagtatanghal ng pagdiriwang sa ika-53 anibersaryo ng NDFP noong Abril 24.
Kabilang sa mga lumahok sa pagtatanghal ang mga balangay ng Armas na Ka Soral Malaya, Baby Jane Orbe, Tanya Domingo at Anghel Bedonia. Kasama rin nila ang mga myembro ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (Kasama) at Liga ng Agham para sa Bayan (LAB). Tampok sa pagtatanghal ang pyesang ‘Asintahin’ na nagtalakay sa patuloy na terorismo ng imperyalismong US at ang panawagan para sa pagkakaisa ng mamamayan sa buong daigdig laban gerang agresyon ng imperyalismong US.
Sa hudyat ng mga tagapagtanghal, nagtipon ang mga myembro ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa harap ng isang palengke upang simulan ang programa. Sinimulan nila ito ng pasado alas-7 ng umaga at nagtagal ng mahigit sampung minuto. Marami sa mga nagdaraan at naghihintay ng masasakyan ang nakasaksi sa pagtatanghal.
Ipinakita sa pagtatanghal ang isang simpleng iskultura ng isang nasusunog na armas panghipapawid na sumisimbolo sa kasulukuyang pamamayagpag at dominasyon ng US gamit ang kaniyang kapangyarihang pandigma. Nasusunog ito dahil tiyak at mapagpasya itong bibiguin ng mamamayan ayon sa mga grupo.
Itinampok rin ng pagtatanghal ang mga digmaang panghihimasok ng imperyalismong US sa iba’t ibang bayan at kung paano ito nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ipinakita rin dito ang pagbubuklod ng mamamayan upang yakapin at isulong ang matagalang digmang bayan. “Walang ibang tunay at matagalang solusyon sa krisis liban sa armadong rebolusyon,” ayon kay Sol Olvido, tagapagsalita ng Armas-Ka Soral Malaya.
Dagdag ng tagapagsalita, sa higit pang pagtindi ng krisis sa ekonomya at pulitika ay lalo rin nalalantad sa mamamayan ang pagpapahirap ng rehimeng US-Marcos Jr. “Obligasyon ngayon ng mga rebolusyonaryo na ipaunawa sa mamamayan na ito ay bunsod lamang ng pananaig ng imperyalismo, burukratang kapitalismo at pyudalismo sa bayan. Tungkulin nating ipayakap ang pangmasang programa ng pambansang demokrasya na lubos lang na maisusulong sa paglahok sa matagalang digmang bayan,” ayon kay Olvido.
Binigyang diin ni Olvido ang mahalagang tungkulin ng mga rebolusyonaryong organisasyon para maisakatuparan ang pagtatanghal. “Ang bawat rebolusyonaryo ay rebolusyonaryong pangkultura. Ngayon higit kailanman kailangan paigtingin ang mga gawaing pangkultura: saklaw nito ang pagunawa sa konkretong mga kondisyon, pagsipat sa pabago-bagong pampulitikang sitwasyon at pagpapakahusay sa paglikha ng makasining na paggawa. Kinakailangan ang mga ito upang maagap ang pagpupukaw, pagoorganisa at pagpapakilos ng mga rebolusyonaryong puwersa,” pahayag niya.
Ang aktibidad ay bahagi ng mga pagdiriwang sa ika-53 na anibersaryo ng NDFP na dinaos sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas noong huling linggo ng Abril hanggang unang hati ng Mayo.