Pagmamadali ni Marcos na ipasa ang pwersahang ROTC, muling kinundena ng kabataan
Muling kinundena ng mga grupong kabataan ang pagmamadali ni Ferdinand Marcos Jr sa pwersahang ROTC o Mandatory Reserve Officers’ Training Corps na nabunyag noong nakaraang linggo. Anila, ginagamit ni Marcos ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China para bigyang-matwid ang pagtulak sa ROTC sa gitna ng panunulsol nito ng gera sa utos ng imperyalistang amo nitong US.
“Pinili niya (Marcos) na gawing target ang Pilipinas sa pagpapanatili ng Typhon missile system ng US sa Luzon na maaaring gamitin para tamaan ang mainland China, at pinahintulutan niya ang pagtatayo ng apat na bagong base militar ng US. Kung magkakaroon ng gera, ito ay dahil sa pang-uudyok ni Marcos,” pahayag ni Lloyd Manango, pambansang tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS).
Mas madali pa kay Marcos na ipain ang mga estudyante sa gera kaysa magtaguyod ng isang independyenteng patakarang panlabas, aniya. “Hindi namin pinapangarap ang makipaggera sa China kung maaari namang piliin ang kapayapaan. Gusto naming ipagtanggol ang bansa, pero hindi kami papayag na gawing mga sundalo para mamamatay sa isang imperyalistang adyenda,” aniya.
“Hindi panangga ang kabataan sa gera,” pahayag naman ng LFS-Panay. Tinawag ng Panayanong kabataan na “laos na taktika” ang ROTC para ipalaganap ang militarisasyon sa mga paaralan at bigyan-katwiran ang sapilitang pagpapasapi ng kabataan sa reaksyunaryong armadong hukbo.