Pagmimina ng Apex Mining sa Maco, kinundena ng mga katutubo
Mariing kinundena ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas ang Apex Mining Corporation Inc sa pinsalang dulot ng pagmimina nito sa mga komunidad ng Lumad sa Maco, Davao de Oro. Pinakahuli sa mga krimen nito ang pagguho ng lupa sa Purok 1, Masara kung saan 71 ang naitalang napatay at halos 50 pa ang nawawala.
“Matagal nang nagdudulot ng pinsala ang Apex Mining sa Compostela Valley, at may naitala nang may namatay dulot dito noon pang 2008. Ang mga kaswalti na ito ay hindi mga ‘isolated na kaso’ kundi resulta ng tuluy-tuloy na mapangwasak na operasyong pagmimina ng Apex,” ayon sa grupo.
Deka-dekada nang dinadambong ng malalaking korporasyon tuladng Apex ang mga lupang ninuno para sa kita, nang walang pakialam sa mga karapatan at kagalingan ng mamamayan na naninirahan sa mga ito, ayon sa grupo. “Tulad ng Maco, kinakaharap ng mga komunidad na kinubabawan ng malalaking operasyon ng mina ang nakagigimbal na mga sakuna.”
Kaparehong sakuna ang dinanas ng mamamayan sa Cordillera, katulad ng sakuna sa na sanhi ng pagmimina ng Lepanto Mining noong 1999 at landslide noong 2008 na sanhi naman ng Benguet Mining.
Pinabulaanan ng Katribu ang pagtatanggol ng MGB-XI na nagsabing ang landslide sa Maco ay sanhi ng “natural na mga dahilan” tulad ng klase ng lupa, malakas na pag-ulan at kalikasan ng dahilig.
“Hindi lamang dulot ng mga natural na sakuna ang mga kaso (ng landslide) kundi dulot ito ng malawakan at komersyal na pagmimina,” ayon sa grupo. “Pinalala ng mga kumpanyang ito ang epekto ng mga natural na sakuna at nagdadala ng mas mapaminsalang pwersa.”
Kasabay ng panawagang papanagutin ang Apex, ipinanawagan rin ng grupo ang pagbasura sa Philippine Mining Act na nagbibigay-laya sa mga kumpanyang pagmimina na agawin ang mga lupang ninuno, dambungin ang mga rekurso nito at iwanang wasak ang kapaligiran.
Nakiramay din ito sa mga pamilyang biktima ng landslide.