Pagpapababa sa taripa ng imported na bigas tungong 20%, binatikos ng mga magsasaka

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas ang panukala ng Department of Finance na ibaba tungong 20% mula sa kasalukuyang 35% ang taripa o buwis na binabayaran ng imported na bigas. Pagdadahilan ng kagawaran, ibababa umano nito ang presyo ng bigas sa bansa. Noong 2021, ibinaba na ito mula 40-50%. Gayunpaman, hindi bumaba, bagkus ay sumirit pa ang presyo ng bigas sa nakaraang tatlong taon.

Hindi ito ang unang pagkakataong ipinanukala ng estado na ibaba ang taripa para sa imported na bigas. Noong 2023, itinulak na rin ng noo’y kalihim ng DoF na si Benjamin Diokno na ibaba hanggang tuluyang tanggalin ang taripa nito. Sinalubong ito ng mariing pagtutol ng mga magsasaka.

“(H)indi ito pagpapalakas ng lokal na produksyon kundi higit pang pagbaha ng imported na bigas at kailanma’y hindi sagot sa abot kayang presyo ng bigas,” ayon kay Cathy Estavillo ng Bantay Bigas. Tanging ang pinapaburan nito ay ang mga importer, hoarder, at smuggler na nagkakamal ng kita sa walang sagkang pagpapasok ng dayuhang bigas.

“Dapat ilantad at batikusin ang planong pababain ang taripa hanggang sa mawala ito,” aniya. Deka-dekada nang pinipinsala ng importasyon ng sektor ng agrikultura ng bansa. Hindi ibinaba ang presyo ng bigas ng Rice Liberalization Law at ang EO 35 at EO 50, aniya.

Dagdag ni Estavillo, kailangang tugunan ng gubyerno ang paglalaan ng malaking pondo o subsidyo sa NFA para masustine ang pagbebenta ng subsidized price ng bigas. Kasabay nito, dapat bigyan ng subsidyo at post-harvest facilities ang mga magsasaka para matiyak ang produksyon. Higit sa lahat, itigil ang land use conversion at land grabbing dahil sa pagliit o pagkawala ng pagtatamnan ng palay sa bansa.

AB: Pagpapababa sa taripa ng imported na bigas tungong 20%, binatikos ng mga magsasaka