Balita

Pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, ipinanawagan ng mga migranteng Pilipino sa bagong pangulo ng Indonesia

,

Sa isang pahayag, nanawagan ang Migrante International sa bagong-upong pangulo ng Indonesia na si Prabowo Subianto na bigyan ng clemency o kapatawaran at palayain ang migranteng Pilipina na si Mary Jane Veloso sa pinakamaagang panahon. Si Subianto ay upisyal na idineklarang pangulo ng bansa noong Oktubre 20.

“Umaapela kami sa bagong presidente ng Indonesia na protektahan ang mga biktima ng human trafficking at wakasan ang 14 na taon ng pagdurusa ni Mary Jane Veloso sa death row at kulungan,” pahayag ng Migrante International.

Si Veloso ay migranteng Pilipinong biktima ng human at drug trafficking, na nakakulong sa Indonesia simula pa 2010. Nailigtas siya sa parusang pagbitay noong 2015 bunsod ng paggigiit ng mamamayang Pilipino. Nananatili siyang nakapiit sa Jakarta, kabisera ng Indonesia, sa kabila ng pagsampa ng kaso at pag-usig sa mga iligal na rekruter niya at matagal nang panawagang palayain siya.

“Siyam na taon mula nang sinampahan ng kasong human trafficking ang mga rekruter ni Mary Jane sa Nueva Ecija, walang signipikanteng pag-usad ang nangyari sa bahagi ng gubyerno ng Pilipinas para pabilisin ang proseso ng pagkuha sa testimonya ni Mary Jane sa Indonesia para makatulong sa ligal na kaso,” ayon pa sa grupo. Bigo rin si Marcos Jr na umapela ng clemency para kay Veloso nang bumisita si dating Indonesian President Jokowi Widodo sa Maynila noong Enero.

“Dapat tigilan ng administrasyong Marcos Jr ang pag-uusad-pagong at pag-aantala na nagbubunga sa ilang taong pagkakait ng hustisya para kay Mary Jane,” ayon pa sa Migrante-International. Umaasa ang grupo na sa hinaharap na pakikipag-usap ng rehimeng Marcos kay Prabowo ay talakayin at tiyakin ang kalayaan ni Veloso.

AB: Pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, ipinanawagan ng mga migranteng Pilipino sa bagong pangulo ng Indonesia