Balita

Pagpapalaya sa mga unyonistang bilanggong pulitikal, ipinanawagan noong Mayo Uno

,

Sa Araw ng Paggawa, nanawagan ang Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, na kagyat na palayain ang 32 bilanggong pulitikal mula sa sektor ng kilusang paggawa. Ayon sa grupo, sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at ikinulong ang mga organisador ng unyon at unyonista dahil sa kanilang pakikipaglaban para sa disenteng trabaho, makatarungang sahod at iba pang karapatan sa paggawa.

“Kung seryoso ang gubyernong Marcos sa pagkilala nito sa mga manggagawa sa Mayo 1, dapat nitong kaagad na palayain ang mga manggagawang organisador at unyonista na nananatiling nakakulong,” ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid.

Kinwestyon ng grupo ang ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos na pinahahalagahan at pinangangalagaan nito ang mga manggagawang Pilipino, gayong nagpapatuloy ang panunupil laban sa sektor.

“Sila ay mga PIDL—persons illegally deprived of liberty. Hindi sila mga kriminal kundi mga organisador ng unyon at mga tanggol karapatang-tao na sinampahan ng mga kasong non-bailable tulad pagkakaroon ng mga pampasabog,” ayon kay Lim. Ang lahat ng mga kasong ito ay batay lamang sa itinanim na mga ebidensya, aniya.

Sa 32 bilanggong pulitikal, 16 ang myembro ng Kilusang Mayo Uno; siyam ang mula sa isla ng Negros kung saan pito ay bahagi ng National Federation of Sugar Workers; tatlo ay mula sa grupo ng mga kawani na Courage; at ang nalalabi ay mula sa ibang samahan ng mga manggagawa. Mayroong 748 bilanggong pulitikal sa Pilipinas sa kasalukuyan.

Nakiisa ang Kapatid sa demonstrasyon ng mga manggagawa noong Mayo 1 malapit sa Mendiola.

AB: Pagpapalaya sa mga unyonistang bilanggong pulitikal, ipinanawagan noong Mayo Uno