Balita

Pagpapasara sa trafficking agency sa California, tagumpay ng mga Pilipinong migrante

,

Ipinagdiwang ng Migrante San Fernando Valley at ng mga boluntir na naglunsad ng Justice for Trafficked Lancaster Caregivers Campaign ang kamakailang pagpapasara sa State 101 Travel Visa Consultancy, isang trafficking agency na nakabase sa Pasig City. Anila, ito ay tagumpay ng komunidad ng mga Filipino-American sa US.

Noong Mayo 14, inianunsyo Department of Migrant Workers ang pagpapasara sa State 101 Agency dahil sa kaso ng iligal na rekrutmment ng mga caregiver sa US.

Noong 2024, lumapit sa grupo ang mga Pilipinong caregiver mula sa Lancaster upang iulat ang nararanasang pang-aabuso at iligal na rekrutment ng State 101 Agency, isang travel agency na nagpuproseso ng B1/B2 visa (non-migrant visa). Ang visa na ito ay iginagawad sa mga dayuhang gustong pumasok sa US para sa negosyo o turismo.

Pinangakuhan ang mga nirekrut ng work visa at trabaho bilang caregiver na may libreng pagkain, matutuluyan aWt buwanang alawans na ₱99,000 at tulong para makakuha ng ligal na papeles. Nagbayad sila ng ₱385,000 upang pumaloob sa programa.

Sa halip, binabayaran lamang sila ng ₱84,000 kada buwan. Kinailangan nilang magtrabaho nang buong gabi nang walang kumpensasyon. Walang ibinigay na maayos na matutuluyan para sa kanila at pinatutulog lamang sa garahe ng pasilidad.

“Hindi natin dapat makalimutan na isa lamang itong hakbang. Hindi natin maaabot ang tagumpay na ito kung hindi natin inilunsad ang kampanya noong Marso. Ganunpaman, wala parin direktang pakikipag-ugnayan o suporta mula sa gubyerno ng Pilipinas, sa konsulado o sa Migrant Welfare’s Office para sa mga caregiver at sa kanilang pamilya na naapektuhan,” paliwanag ng grupo.

“Dagdag dito, ang State 101 ay isa lamang sa maraming ahensya na patuloy na nang-aabuso sa ating mga kababayan na naghahanap lamang ng trabaho dahil sa kawalan nito sa Pilipinas at industriya doon na lilikha ng hanapbuhay,” ani ng grupo.

Ayon sa grupo, ang panawagan para i-blacklist ang mga ahensya tulad ng State 101 at imbestigasyon sa mga nagpapapasok sa mga caregiver sa trabaho habang hindi sila sinasahuran ay hindi pa rin natutugunan.

“Ang aming panawagan at kampanya para sa hustisya at karapatan ay magpapatuloy hangga’t lahat ng aming panawagan—mula sa imbestigasyon sa mapang-abusong employer, sa pagpapasara sa mga ahensya, pagpapakulong sa mga trafficker, pagtigil sa pag-eksport ng mga Pilipinong manggagawa at tunay na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa na kayang lumikha ng trabaho ay maabot,” pahayag ng Migrante San Fernando Valley.

AB: Pagpapasara sa trafficking agency sa California, tagumpay ng mga Pilipinong migrante