Balita

Pagpaslang sa konsultant sa kapayapaan ng NDFP, binatikos ng internasyunal na grupo

Kinundena ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) ang pagpaslang ng mga pwersa ng 502nd IBde kay Ariel Arbitrario, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa isang pahayag noong Oktubre 2, idiniin ng ICHRP na paglabag ito sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) ng GRP-NDFP at maging sa internasyunal na makataong batas.

Naiulat na napatay si Arbitraryo sa Barangay Baliuag, Peñablaca, Cagayan noong Setyembre 11 habang nakikipagkonsultasyon sa mga magsasaka. Pinaniniwalaang buhay siya nang dakpin ng mga sundalo, ilang araw na tinortyur bago sadyang pinaslang. Pinaslang din ang dalawang Pulang mandirigma na kasama niya.

“Dapat ligtas si Arbitrario mula sa sarbeylans, aresto at kapahamakan dahil mayroon siyang Document of Identification Number PP 978542, na kinilala noong Setyembre 16, 2016 ni Silvestre H. Bello III, noo’y hepe ng GRP negotiating panel, sa ilalim ng GRP-NDFP JASIG,” pahayag ng ICHRP.

Naging konsultant sa kapayapaan ng NDFP si Arbitrario noong 2016-2017 matapos palayain noong Agosto 2016. Muli siyang dinakip noong Pebrero 2017 at nakalaya muli noong Marso 2017 para lumahok sa negosasyong pangkapayapaan sa The Netherlands.

Tubong-Davao, ipinanganak si Arbitrario noong Nobyembre 1969 at nagmula sa uring petiburgesya. Nag-aral siya sa kursong BS Civil Engineering sa Ateneo de Davao University. Mula sa pagiging aktibista, naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1986 at naglaan ng buong-panahon para sa rebolusyonaryong kilusan mula 1988.

Naniwala ang ICHRP na patung-patong na paglabag sa internasyunal na makataong batas ang ginawa ng Armed Forces of the Philippines sa pag-aresto, pagtortyur at pagpaslang kay Arbitrario. Dagdag sa krimen ng militar ang pagtanggi ng mga ito na ibigay sa mga kaanak ni Arbitrario ang kanyang bangkay na bumyahe pa mula Davao para paglamayan.

Lalong bumigat ang krimen ng AFP dahil sa tahasang papuri ng hepe nito na si Gen. Romeo Brawner Jr sa pagkapaslang kay Arbitrario. “Ang insidenteng ito ay isang karagdagang patunay sa hatol na maysala ng International People’s Tribunal 2024 sa mga krimen sa digma ng gubyerno ng US, at ng mga rehimen nina Marcos at Duterte,” anang ICHRP.

AB: Pagpaslang sa konsultant sa kapayapaan ng NDFP, binatikos ng internasyunal na grupo