Pagpondo ng Japan sa LNG at maruming enerhiya sa Pilipinas, binatikos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Mariing binatikos ng mga grupong maka-kalikasan ang Japan sa papel nito sa pagtatayo ng terminal o daungan para sa liquified natural gas sa Ilijan, Batangas na saklaw ng Verde Island Passage (VIP). Direktang pinopondohan ng Japan Bank for International Cooperation (JBIC) ang terminal (daungan) na itinayo ng Atlantic Gulf & Pacific Company (AG&P), sa pamamagitan ng lokal na subsidyaryo nitong Linseed Field Power Corp. Natapos ang pagtatayo ng terminal noong 2023 sa kabila ng protesta at nakasampang mga kaso laban dito.

Noong Abril 2023, tumanggap na ang terminal ng unang shipment ng mamahaling LNG mula sa US. Ang shipment na ito at mga kasunod pa ay mapupunta sa mga plantang pang-enerhiya ng South Premiere Power Corporation at Excellent Energy Resources, na parehong pagmamay-ari ng San Miguel Corporation.

Inilulusot ang paggamit ng imported na LNG sa mga plantang pang-enerhiya bilang “solusyon sa krisis sa enerhiya” ng bansa, sa kabila ng nagbubuga din ito ng methane, sumasagka sa transisyon tungo sa mas malinis na enerhiya, at nagtutulak sa mga bansa na mas matagal pang sumandig sa fossil fuel.

Apat pang planta ang balak itayo ng reaksyunaryong gubyerno para sumalo sa LNG imports na ipinagpilitan ng US sa bansa.

“Ang mga proyekto at imprastruktura nito ay banta sa buhay sa ilalim at paligid ng VIP,” pahayag ni Fr. Edwin Gariguez ng grupong Protect VIP. Nangangamba ang grupo at mga residente sa Ilijan na mauulit ang oil spill katulad ng naganap nang sa pagtagas ng industrial fuel mula sa MT Princess Empress noong nakaraang taon. Malaking sakuna at malawakang pinsala ang idinudulot ng gayong mga oil spill sa ekosistema ng VIP. (Sangkot sa oil spill na ito ang mga kumpanya ng San Miguel Corporation, na may mga planta sa baybay ng VIP.)

Liban sa pinsala sa karagatan, nahaharap din ang AG&P ng kaso ng iligal na pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural sa mga barangay ng Ilijan at De La Paz. May mga kaso rin itong iligal na pagputol ng mga puno ng niyog sa lugar. Katunayan, naglabas ng “cease and desist order” ang Department of Agriculture laban sa kumpanya noong nakaraang taon dahil sa kawalan nito ng permit ng pagpapalit-gamit gn lupa. Binalewala ito ng kumpanya.

Panawagan ng Protect VIP ang kagyat na pag-atras ng JBIC sa kapital nito mula sa proyekto at bigyan-kompensasyon ang napinsala LNG terminal sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan sa Batangas.

Panawagan naman ni Bishop Gerry Alminaza, convenor ng grupong Wag Gas at pinuno ng National Laudato Si Program ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na dapat itigil ng estado ang mga plano para palawakin ang importasyon at gamit ng LNG.

Japan ang nangungunang tagapondo ng maruming enerhiya sa Asia.

Sa likod ng pagbabalat-kayo ng Japan na ito ay “maka-kalikasan” at “tumutulong” sa pag-apula ng climate change, nangunguna ito sa pagpopondo ng imprastruktura at iba pang proyekto na nagtutulak ng paggamit ng langis, LNG at karbon.

Alinsunod sa mga pananaliksik, tatlo sa pinakamalalaking bangko na pumopondo sa gayong mga proyekto ay Japanese. Ang mga ito ang Mitsubishi UFJ Financial Group (MUFG), Mizuho Financial Group (Mizuho), and Sumitomo Mitsui Financial Group (SMBC).

Isa ang Japan sa mayor na mga bansang nag-iimport at nangangalakal (top importer and trader) ng LNG sa buong mundo. Bago ang pamumuhunan nito sa larangang ito, nangunguna ito sa pagpopondo para sa pagtatayo ng mga coal-fired power plant.

AB: Pagpondo ng Japan sa LNG at maruming enerhiya sa Pilipinas, binatikos