Pagpwesto ng US at ni Marcos ng opensibong sistemang misayl sa Pilipinas, kinundena ng progresibong mga mambabatas

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng Bayan Muna Partylist ang patakarang panlabas ni Ferdinand Marcos Jr na nagsisilbi sa mga interes ng imperyalismong US at naglalagay sa Pilipinas sa panganib ng atakeng nukleyar. Ito ay matapos magbabala ang Russia kaugnay sa inilagak ng US na isang mid-range capable missile system sa hilagang bahagi ng bansa. Ayon sa partido, ang pangangayupapa ni Marcos sa US ay nagsasapanganib sa interes at seguridad ng bansa.

Inilagak ng US sa Pilipinas ang Typhon Mid-Range Capability (MRC) missile system noong Abril sa sinabi nitong “makasaysayang kaganapan” sa deployment ng mga armas nito sa buong mundo. Ito ang kauna-unahan sa klase nitong sistema na inilagay ng US sa rehiyon ng Asia. Ang sistemang ito ay may kakayahang mapaglipad ng Tomahawk missile sa layong 1,000 kilometro, o abot hanggang baybaying bahagi ng China.

Ipinagmalaki pa ito ng embahada ng US sa Pilipinas sa pagsasabing inilipad ito nang 15 oras sa 8,000-milyang layo na byahe tungong hilagang bahagi ng bansa. Noo’y hindi tinukoy ng US ang lokasyon armas. Namataan ito kamakailan sa Laoag, Ilocos Norte, isang prubinsyang walang nakatayong upisyal na “EDCA site.” Itinago man ng US ang lokasyon, iwinasiwas naman nito ang paggamit sa naturang missile system sa magkasunod na Salaknib at Balikatan war games. Bago inilapag sa Pilipinas, sinabi na ng US na permanente itong maglalagak ng gayong armas sa rehiyon.

Naging usap-usapan ang naturang missle system matapos nagbabala ang presidente ng Russia na si Vladimir Putin na “tutugunan” ang pagdedeploy ng US ng gayong mga opensibong armas sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang sa Pilipinas. Ang Typhon MCR missile system ay sinimulang imanupaktura ng US noong 2019 matapos ito umatras sa Intermediate-Range Nuclear Forces (INF) Treaty sa pagitan nito at ng Russia. Ipinagbawal ng naturang tratado ang pagmanupaktura, pag-imbak at paggamit ng mga misayl na nukleyar at kumbensyunal na kayang lumipad ng 300 hanggang 3,400 milya. Ayon sa Russia, makaisang panig na pagbali ng US sa tratado ay nagtulak dito na gumawa ng “dagdag na mga hakbang sa larangang ng neutral deterrence dahil maabot na ng mga misayl ng US ang mga command post at lokasyon ng mga armas nukleyar nito.”

Ayon naman sa China, ang regular na pagdedeploy ng gayong missile system sa Asia tuwing mga war games o anumang okasyon ay magdudulot ng “kawalan ng seguridad, magdadagdag ng mga risgo at sa kalauna’y magdudulot ng pinsala sa seguridad ng lahat.”

“Kinukundena namin ang patakarang panlabas na US-satellite ng administrasyong Marcos Jr, na nag-aambag sa pagdadala ng mundo sa bingit ng panibagong nuclear arms race, sa halip ng pagkakaibigan, pakikipagmabutihan at kapayapaan sa hanay ng mga bansa,” ayon kay Carlos Zarate, bise presidente ng Bayan Muna.

“Marapat na kundenahin ng mamamayang Pilipino pareho ang administrasyong Marcos at ang US dahil sa paggawa at pagmarka nito sa Pilipinas bilang target ng mga nuclear warhead mula sa mg bansang di naman kaaway ng Pilipinas at ng mamamayang Pilipino.”

Kinundena rin ng Bayan Muna ang walang katapusang panunulsok ng US ng gera sa South China Sea, na walang ibang pinagsisilbihan kundi ang hegemonyang interes nito sa rehiyon.

AB: Pagpwesto ng US at ni Marcos ng opensibong sistemang misayl sa Pilipinas, kinundena ng progresibong mga mambabatas