Balita

Pagsali ng samahan ng pribadong mga eskwelahan sa NTF-Elcac, binatikos

,

Kabi-kabila ang pagbatikos ng mga grupo ng kabataan sa desisyon ng Coordinating Councils for Private Educational Associations (Cocopea) na maging bahagi ng National Task Force (NTF)-Elcac bilang pribadong katuwang ng kontra-makabayan at kontra-demokratikong ahensya. Imbwelto ang NTF-Elcac sa napakaraming reklamo ng Red-tagging, panggigipit at iba pang mga tipo ng paglabag sa karapatang-tao.

Ayon sa NTF-Elcac noong Nobyembre 8, ang Cocopea ang ikalawang pribadong kinatawan na upisyal na naging kasapi ng ahensya. Nagpapakilala ito bilang “nagkakaisang boses ng pribadong” edukasyon sa Pilipinas na kumakatawan sa 1,500 mga eskwelahan at unibersidad sa bansa.

Bago ang naturang anunsyo, lumahok ang Cocopea sa isang dayalogo na pinangasiwaan ng NTF-Elcac noong Oktubre 15 sa Quezon City. Tinalakay dito kasama ang iba pang mga oragnisasyon ang mga plano sa “matagalang kapayapaan, pagkakaisa at sosyo-ekonomikong kaunlaran sa bansa” na nakabalangkas sa kampanyang kontra-insurhensya.

Lantarang nakiisa ang Cocopea para maging katuwang ng NTF-Elcac bilang institusyon sa edukasyon sa pagtataguyod sa notoryus na “whole-of-nation approach.” Nakikoro ito sa mga pahayag at panindigan ng NTF-Elcac para “ilantad ang iskema ng terror-grooming” ng mga “itinalagang teroristang grupo” sa loob ng mga eskwelahan. Nanindigan itong makikiisa sa paglulunsad ng mga kampanya sa impormasyon para ilantad ang sinasabi nitong “teroristang aktibidad.”

Nanawagan ang League of Filipino Students (LFS) sa Cocopea na agarang bumaklas bilang kasapi ng NTF-Elcac. Anang grupo, nilalagay nito sa peligro ng Red-tagging at pang-aatake ang mga estudyante sa 1,500 eskwelahan at unibersidad na kinakatawan ng samahan.

“Sa pagsali sa mapanupil na ahensyang ito, binubuksan ng Cocopea ang pintuan ng impyerno at pinakawalan ang pagpapakalat ng maling impormasyon, militarisasyon at panghaharas sa milyun-milyong estudyante ng pribadong mga paaralan,” pahayag ni Lloyd Manango, pambansang tagapangulo ng grupo.

Dagdag pa niya, mahalagang umalis kaagad ang Cocopea sa ahensya dahil kung hindi ay mapatutunayan lamang na katuwang ito sa pagsupil sa mga estudyanteng naninindigan laban sa pagtataas ng matrikula at panunupil sa mga estudyante at demokratikong karapatan sa mga pribadong paaralan.

Dismayado rin ang partidong Kabataan sa ginawa ng Cocopea. “Ang mga eskwelahan ay dapat espasyo para sa pagkatuto, malayang pagpapahayag at organisasyon, at hindi panunupil ng kritikal na pag-iisip,” pahayag ni Atty. Renee Louise Co, tagapagsalita ng Kabataan Party-list.

“Ikinunsulta ba ang demonyong kasunduang ito sa mga stakeholder ng pribadong mga paaralan?” tanong ng Kabataan. Batid ng grupo na panghihimasok ito ng estado sa awtonomiya ng mga pribadong paaralan at pagpapataw ng kontrol ng militar sa sibilyang awtoridad.

Nanawagan ang LFS at Kabataan Party-list sa lahat ng mga estudyante, konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyon sa mga pribadong paaralan na igiit sa Cocopea ang pagkalas sa NTF-Elcac. Anila, dapat labanan ng mga estudyante ang kahit anong pagtatangkang supilin ang kanilang demokratikong mga karapatan habang lumalaban sa komersyalisasyon ng edukasyon, tiraniya at para sa hustisya. Nagpahayag rin ng suporta sa labang ito ang Congress of Teachers and Educators for Nationalism and nemocracy (CONTEND).

Noong Oktubre 2023, matatandaang natulak ang Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) na bumaklas sa NTF-Elcac matapos binatikos ng mga organisasyong demokratiko ang pagpapamyembro nito. Sa mga panayam sa midya noon ng komisyon ng CBCP, kumalas sila sa NTF-Elcac para panatilhin ang kanilang independensya bilang isang institusyon.

AB: Pagsali ng samahan ng pribadong mga eskwelahan sa NTF-Elcac, binatikos