Balita

Pagtanggal ng badyet para sa OVP at "presidential pork," itinutulak

,

Lumaganap ang panawagan na ipagkait sa Office of the Vice President (OVP) ang badyet nito para sa 2025 matapos tumanggi si Bise Presidente Sara Duterte na sagutin ang mga tanong kaugnay sa paggastos niya sa confidential at intelligence funds (CIF) noong 2022.

Sa loob ng anim na oras kaharap ang mga kongresista noong Agosto 27, bukambibig ni Duterte ang kanyang “pagtanggi” na “idepensa” ang inihain niyang badyet, at “pagpapaubaya” sa Mababang Kapulungan na pagpasyahan ito. Sa isang punto, inatake niya si Rep. France Castro ng ACT Teachers Party, na isa sa unang nagkwestyon sa pagbibigay ng CIF noong nakaraang taon. Dahil dito, inilarawan siya ni Castro na may “ugaling pusit” na kapag nasusukol ay nagbubuga ng maitim na tinta para ikubli ang katotohanan.

Ayon kay Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, ang pagtatanong kaugnay sa CIF ay may kaugnayan sa transparency (pagiging bukas) at accountability (may pananagutan) ng lahat ng mga upisyal ng gubyerno.

Binatikos ni Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist ang paggamit ng Department of Education, na dating pinamunuan ni Duterte, ng pera ng CIF para gipitin ang mga aktibista at sikilin ang karapatan ng mga estudyante sa pagpapahayag at pag-oorganisa. Kinilatis din niya ang librong “Ang Kaibigan” na hiningan ni Duterte ng ₱10 milyong badyet. Ani Manuel, maraming mali ang libro at hindi ito angkop sa mga bata.

Ayon kay Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Makabayan, “basura” ang lahat ng lumalabas sa “bunganga” ng bise presidente dahil walang kwenta ang mga pinagsasabi nito. “(N)agsayang lamang ng oras si Sara Duterte tulad na lamang ng kanyang pagsayang sa 125 milyong pisong confidential funds,” aniya.

“Ang iskandalo ng paggastos ni Duterte ng CIF ay salamin ng kawalang pakialam ng mga pulitiko sa paggastos ng pera ng batayan at ang kanilang kriminal na palagay na pwede nilang gamitin ang mga pondong ito para sa personal na kapakibanangan,” ayon sa Bayan. Paalala ito kung papaano nagsabwatan ang Kongreso at mga upisyal ng gubyernong Marcos Jr na maglaan ng CIF sa mga ahensyang sibilyan, anito.

“Dapat kilatisin ang dagdag na ginastos na CIF ng upisina ng presidente at kahit ang mga ahensyang panseguridad. Hindi dapat hinahayaan si Duterte, Marcos Jr at lahat ng mga pampublikong upisyal na ilusot ang kanilang kaduda-dudang paggastos ng pondo sa tabing ng mga usaping panseguridad.”

Sa labas ng Kongreso, nagprotesta ang mga grupong pambansa-demokratiko para ipanawagan ang pagbabasura ng lahat ng porma ng pork barrel, kabilang sa upisina ng presidente, at paglilipat ng pondo sa mga serbisyong panlipunan.

Sa partikular, tinukoy ng Bayan ang “presidential pork” na nagkakahalaga ng ₱2 trilyon, kung saan ₱10 bilyon ay CIF, ₱156 bilyon ay “unprogrammed funds,” at ₱1.89 trilyon ay “special purpose funds.” Lahat ng ito’y maaaring gastusin ni Ferdinand Marcos alinsunod sa anumang gusto niyang paraan. “Maari itong gamitin ni Marcos sa pagiging padrino sa pulitika para konsolidahin ang kapangyarihan at pagharian ang eleksyong 2025,” ayon sa grupo.

AB: Pagtanggal ng badyet para sa OVP at "presidential pork," itinutulak