Pagtanggi ng korte na gawaran ng "writ of amparo" sina Castro at Tamano, isang malaking inhustisya
Kinundena ng mga grupong maka-kalikasan, tagapagtanggol sa karapatang-tao at iba pa ang desisyon ng Court of Appeals na tanggihan ang petisyon para sa “writ of amparo” ng mga aktibistang sina Jonila Castro at Jhed Tamano. Ang dalawa ay dinukot, pinahirapan at itinago ng 70th IB noong nakaraang taon. Nakahulagpos sila sa kontrol ng militar nang matapang nilang isiwalat ang pagdukot, pambabanta at pamimilit sa kanila sa isang press conference ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-ELCAC) sa Plaridel, Bulacan kung saan ihaharap sana silang mga “sumuko” na mga Pulang mandirigma.
“Ang desisyong ito ay naglalagay sa kanilang buhay—at sa buhay ng libu-libo pa—sa matinding panganib sa gitna ng patuloy na mga pag-atake laban sa mga tanggol-kalikasan at aktibista sa Pilipinas,” pahayan ng Kalikasan People’s Network for the Environment kahapon, Agosto 12. “Ipinapakita ng desisyon ng dating 8th Special Division ng Court of Appeals ang limitasyon, hanggang sa kawalan ng katarungan, sa mga umiiral na mekanismo para ituwid ang mga inhustisya sa bansa.”
Labag ang desisyon sa internasyunal na pamantayan sa karapatang-tao, at maging sa lokal na Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act. Panawagan nilang muling suriin ng Korte Suprema ang desisyon at baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals.
“Ang sinasabi ng desisyon na kakulangan sa ebidensya para suportahan ang mga alegasyon ng pagdukot ng estado sa dalawa ay taliwas sa mas malawak na dokumentadong padron ng pag-atake ng estado laban sa mga tanggol-kalikasan,” ayon sa grupo. “Mula 2001, mahigit kalahati ng mga extrajudicial killing ng mga tanggol-kailikasan ay iniuugnay sa mga ahente ng estado. Mula 2012, natanghal na ang Pilipinas na numero unong pinaka-mapanganib at nakamamatay na bansa sa Asya para sa mga tanggol kalikasan.”
“Ang pagtanggi ng CA Special 8th Division na bigyan ng proteksyon sina Jonila at Jhed ay isang kahiya-hiyang desisyon na nagpapakita na mas papanigan nito ang NTF-ELCAC at AFP,” ayon naman kay Cathy Estavillo, konsultat ng Gabriela Women’s Party sa mga usapin ng kababaihang magkakasaka at pangkalahatang-kalihim ng Amihan. “Ang desisyong ito may malalang inhustisya na magtatakda ng pamantayang pagbabatayan ng iba pang mga kaso at mag-aabswelto sa militar sa kanilang mga teroristang gawain ng pagdukot, tortyur, panggigipit at pamamaslang – mga krimen na patuloy na hindi nabibigyan ng hustisya sa kasaysayan ng Pilipinas.”