Balita

Pagtitipon sa University of Nueva Caceres sa Naga City, tiniktikan ng PNP

,

Kinundena ng mga estudyante ng University of Nueva Caceres (UNC) ang iligal na pagpasok ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) at Bomb Squad Unit sa loob ng unibersidad noong Nobyembre 8.

Nakataon ang kanilang pagpasok sa pagtitipon ng mga lider-kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng Luzon sa UNC na tinawag na Coalition Xchange Program. Bahagi ng programa ang talakayan hinggil sa mahahalagang paksa tulad Flood Control Projects at Anti-Red Tagging Ordinance ng Naga City. Isa sa upisyal na partner ng pagtitipon ang Jovenes Anakbayan Naga City.

Bago pa magsimula ang talakayan, kapansin-pansin na ang presensya ng dalawang armadong pulis sa loob ng UNC Sports Palace. Nagtangka silang kunin ang mga pangalan ng mga kalahok. Kumuha sila ng mga litrato sa mga dumalo habang nagsasalita si Angela Averilla ng Kilusang Bikol Laban sa Korapsyon.

Tumangging magbigay ng pagkakakilanlan ang mga pulis nang kumprontahin sila ng mga estudyante. Sinabi lamang nila na ‘aprubado’ ang kanilang pagbisita ng UNC Administration, bagay na itinanggi ng administrasyon. Ang iba ay nagpalusot na kailangan diumano nila mag-inspeksyon para sa bagyo at darating daw si Leni Robredo, meyor ng syudad. Sa imbestigasyon ng mga estudyante, ang grupo ng kapulisan ay mula sa Station 1 ng Naga City Police Office.

“Nakakahiya na habang ipinagmamalaki ko na Naga City ang kauna-unahang lungsod sa Pilipinas na nagpasa ng Anti-Red-Tagging Ordinance, ang kapulisan ng Naga City ay umaaligid at naniniktik ng mga delegado,” ayon kay Averilla. Kabalintunaan na habang tinatalakay ang anti-red-tagging ay pinalibutan siya ng mga elemento na nang-iintimida sa mga kabataan at aktibista, aniya.

Kinundena rin ang pakikialam ng mga pulis ng The Democrat, upisyal na publikasyon ng UNC, UNC University Student Government, Ateneo De Naga University (ADNU) Media Studies Society, The Pillars, upisyal na publikasyon ng ADNU at Jovenes Anakbayan Naga City.

“Ang kinilos ng PNP ay lumabag sa karapatan ng aming mga bisita na kumilos sa isang kapaligiran na malaya sa takot at intimidasyon,” ayon sa The Democrat.

“Nananawagan kami sa PNP na magbigay ng maayos na paliwanag hinggil sa naging kondukta ng kanilang mga tauhan,” anito. “Dapat tiyakin na hindi ito mauulit.” Pinaiimbestigahan ng mga estudyante sa unibersidad ang insidente.

AB: Pagtitipon sa University of Nueva Caceres sa Naga City, tiniktikan ng PNP