Pagtutol sa mandatory ROTC, ipinahayag ng mga kabataan sa dayalogo sa Senado
Nagtungo ang mga organisasyon ng kabataan, mga konseho at lider-kabataan sa upisina ng Senate President noong Nobyembre 6 para ipahayag ang kanilang pagtutol sa iniraratsadang panukalang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa Senado. Inihapag nila, kasama ang Kabataan Party-list, ang mga dahilan ng kanilang pagtutol sa panukala at kanilang mga mungkahing programa para sektor.
Sa bagong petisyon ng No To Mandatory ROTC Network, inihayag nito ang limang dahilan ng pagtutol sa programa. Ayon sa network, 1) dagdag gastos lamang ang mandatory ROTC, 2) nagpapalaganap ito ng kultura ng karahasan, 3) magbibigay daan ito sa militarisasyon sa mga kampus, 4) gagamitin sa paghahanda sa gera, at 5) tinatanggal nito ang karapatang mamili sa halip na magserbisyo sa komunidad at sibil.
Sa dayalogo, ibinahagi ng tagapangulo ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) na si Kej Andres ang sarbey na inilunsad ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP). Ipinakita ng sarbey na mayorya sa mga estudyante sa mga eskwelahang Katoliko ay tutol sa muling pagbuhay ng mandatory ROTC sa mga paaralan.
Lumahok rin sa pag-uusap ang lider-estudyante mula sa University of Santo Tomas na si Annie Nicholle Agon. Ibinahagi niya na hindi malilimutan ng mga estudyante ng unibersidad ang madilim at masakit na kasaysayan ng ROTC sa kanilang kampus.
Noong Marso 2001, namatay si Mark Welson Chua, 19-anyos na estudyante ng UST, sa kamay ng kapwa upisyal sa ROTC ng pamantasan. Isiniwalat noon ni Chua ang mga anomalya, korapsyon at pang-aabuso sa loob ng UST ROTC, dahilan para pag-initan at gantihan siya ng mga upisyal nito na sinipa at inalis sa pusisyon. Ito ang nagtulak ng malawakang protesta para ipabasura ang naturang programa noong 2002.
Liban dito, ipinrisenta ng mga kabataan ang kanilang 10-Puntong Adyenda ng Kabataan at mga alternatibong mga panukala kabilang ang Student’s Rights Bill, Academic Freedom Bill, at Adequate and Accessible University Services Bill.
“Hinihimok namin ang pamunuan ng Senado na ikunsidera ang pusisyon ng mga kabataan at bigyan ng sapat na atensyon ang lehitimong mga inihapag na usapin ng sektor,” pahayag ng Kabataan Party-list.
Isinagawa nila ang dayalogo ilang araw matapos ang mga pagkilos laban sa pagratsada sa mandatory ROTC noong Nobyembre 4. Nagkaroon ng mga protesta sa tapat ng Senado sa Pasay City, sa Taft Avenue, Morayta, España at Santa Mesa sa Maynila at sa Quezon City.