Pahirap na multa kaugnay ng RFID, napaatras
Napaatras dahil sa hinaing at reklamo ng iba’t ibang mga grupo ang plano ng rehimeng Marcos na magpataw ng dagdag pahirap na multa at sapilitang paggamit ng RFID sa mga expressway sa Metro Manila. Ipatutupad sana nito ang multa sa mga motoristang walang “RFID device” at sapat na load na bumabyahe sa mga expressway sa Agosto 31 ngunit napaatras tungong Oktubre 31.
Ang RFID, o radio-frequency identification, ay isang porma ng teknolohiya na ginagamit sa mga expressway para sa awtomatik o digital na pagbabayad ng toll fee (singil sa paggamit ng haywey). Ang dalawang sistemang RFID sa Metro Manila ay pinatatakbo ng Metro Pacific Tollways Corporation (Easytrip RFID) at ng San Miguel Corporation (Autosweep RFID) ni Ramon Ang.
Noong Agosto 24, binatikos ni Bayan Muna Chairperson Atty. Neri Colmenares ang patakarang ito na tinawag niyang “highway robbery” o panunulis sa kalsada. Nakabatay ang patakaran sa Joint Memorandum Circular No. 2024-001 na inilabas ng Department of Transportation, Land Transportation Office, at Toll Regulatory Board.
“Hindi naman nila inaayos ang mga sira sa NLEX tapos dadagdagan ang multa at maghihigpit pa,” ayon kay Atty. Colmenares. Pagdidiin pa niya, ang mapamarusang patakarang ito ay kontra-mamamayan at higit na magpapahirap sa mga motorista na hirap na hirap na sa tumataas na halaga ng transportasyon kabilang ang mataas na singil sa mga tollgate, mataas na presyo ng langis at iba pa.
Binatikos niya ang sinasabi ng gubyerno na para ito sa pagpapabilis ng proseso. Aniya, ang patakarang ito ng gubyerno ay nagsasaisantabi ng sosyo-ekonomikong kalagayan ng taumbayan. “Dapat tutukan ng gubyerno ang pagtitiyak ng makatarungang akses sa transportasyon at hindi pagmultahin ang mga wala pang kakayahang umangkop sa teknolohiya ng RFID dahil sa kakulangang pinansyal,” anang dating mambabatas ng Bayan Muna.
Kabilang rin sa mga nagreklamo sa patakarang ito ang Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela).