Balita

Pakanang "rice-for-all," di solusyon sa krisis sa bigas

,

Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pakanang “rice-for-all” ng rehimeng Marcos at sinabing pansamantala at hindi pangmatagalang solusyon sa krisis sa bigas. Inilunsad ng rehimeng Marcos ang pakana noong Agosto 1 sa iilang Kadiwa center sa apat na syudad sa Metro Manila. Sa ilalim ng pakanang ito, ibebenta ang bigas sa presyong ₱45/kilo, pero maaari lamang bumili ang mga kostumer nang hanggang 25 kilo. Imported na bigas ang malaking bahagi ng ibebenta.

“Paano sasabihing for all ito kung limitado lamang sa 4 na Kadiwa stores sa halip na ibenta sa lahat ng pampublikong palengke sa buong bansa?,” pagkutya ng KMP. Anito, wala itong pinag-iba sa pakanang ₱25/kilo noong 2022 at 2023, ng ₱41 at ₱45/kilo kilong price cap noong 2023 at ng Bigas ₱29. “(P)awang pagtapal lamang ang ginagawa sa nagnanaknak na sugat,” ayon sa grupo.

“Pansamantala lamang ito hindi talaga sagot sa nararanasan nating pagtaas ng presyo ng bigas,” ayon kay Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas. Nakasandig ang programa sa importasyon at sa pagbaba ng taripa sa 15%, aniya.

“(N)akaasa ito sa limitadong suplay at pabago-bagong presyo ng bigas sa world market.” Kung sinsero ang gubyerno sa pagpapapababa sa presyo ng bigas, dapat pa ring nakatuon ito sa pagpapalakas sa lokal na produksyon. Dapat tiyakin nito na sapat ang suplay ng lokal na bigas, bilhin ang lokal na palay sa makatwirang presyo at tiyaking abot-kaya ang presyo nito sa merkado.

“Dapat tiyakin na malawakang makapamili ang NFA ng palay direkta sa mga magsasaka at tiyakin na hindi bababa sa ₱20 kada kilo ang palay para masiguro ang kita ng mga magsasaka. Napakahalaga din na maibalik ang mandato ng NFA sa pagbebenta ng murang bigas sa mga palengke para maabot ang mas malawak na bilang ng mga maralitang mamimili,” aniya.

Mulang iginiit ng mga grupong magsasaka ang pagbabasura ng RA 11203 Rice Liberalization Law na nagtali ng bansa sa importasyon kasabay ng kabiguan ng batas na pababain ang presyo ng bigas sa ₱25 kada kilo na ipinangako ng mga nagtulak sa pagsasabatas nito.

“Dapat singilin at panagutin ang gobyernong Marcos Jr. sa patuloy na pagpapatupad ng liberalisasyon sa agrikultura, pagpoprotekta sa interes ng mga malalaking traders, importer at kartel, at sa kawalan ng kapangyarihang i-regulate ang presyo ng bigas sa mga pamilihan na pawang nagpapalala sa kalagayan ng self-sufficiency at seguridad sa pagkain ng bansa,” anila.

AB: Pakanang "rice-for-all," di solusyon sa krisis sa bigas