Pakikiisa sa pakikibaka ng kabataan at mamamayang Kenyan, hinimok ng ILPS
Hinimok ng panrehiyong komite ng International League of People’s Struggle (ILPS) para sa Africa at West Asia ang lahat ng myembro, kaibigan at alyado nito na suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Kenyan laban sa panunupil at paglabag sa kanilang mga karapatang-tao ng papet na estadong Kenyan.
“Sinusuportahan ng Africa and West Asia Committee ng ILPS ang determinasyon at paggigiit ng mamamayang Kenyan sa kanilang kolektibong karapatan sa ekonomya at kapasyahan sa soberanya” saad ng komite. Ang mga karapatang ito ay nakasaad Algiers Universal Declaration of the Rights of People at mismong sa konstitusyon ng bansa.
Ginawa ang panawagan para sa suporta sa gitna ng bumubwelong kilusang anti-imperyalista at demokratiko sa Kenya. Mula Hunyo, sunud-sunod na mga pagkilos ang inilunsad ng mga kabataang Kenyan laban sa Finance Bill ng papet ng US na presidente nitong si William Ruto, na magtataas ng buwis sa batayang pagkain tulad ng tinapay, asukal at mantika. Ipatutupad ito para makalikom ang estado ng $2.7 bilyon na ipambabayad sa dambuhalang utang ng bansa. Tulak ito ng World Bank at International Monetary Fund.
Inalmahan ang panukala ng mayorya ng mamamayan, laluna ng kabataan, dahil sa kalagayang apat sa bawat 10 Kenyan ay walang trabaho.
Sa halip na dinggin ang hinaing ng mamamayan, karahasan ang naging tugon ng rehimeng Ruto. Umabot sa 50 mga nagpuprotesta ang pinatay, 413 ang nasugatan, 335 ang inaresto at 59 ang dinukot at nawawala. Ipinagbawal din ang mga pagtitipon at pagkilos sa ibang lugar.
Inatras na ni Ruto ang anti-mamamayang Finance Bill noong Hunyo 26. Ilang beses na rin niyang binalasa ang kanyang gabinete bilang tugon sa kritisismo ng korapsyon at kainutilan ng kanyang rehimen. Gayunpaman, nagpapatuloy ang mga protesta at paglaban sa bansa kung saan umabot na ang panawagan sa pagpapatalsik sa kanya.
“Nananawagan kami sa lahat ng demokratikong pwersa sa Kenya na tiyaking mananaig ang boses ng mamamayan at kundenahin ang mga panunupil ng gubyerno at ang harap-harapang paglabag nito sa mga kaparatang-tao,” pahayag ng ILPS-Africa at West Asia Regional Committee.