Balita

Pakitang-taong mensahe ni Sara Duterte sa Araw ng Kababaihang Anakpawis, kinutya

“Ang kapal ng mukha.” Ito ang tugon ng mga kinatawan ng Gabriela Women’s Party na sina Rep. Arlene Brosas at Sarah Elago sa “mensahe” ni Sara Duterte sa Araw ng Kababaihang Anakpawis noong Marso 8.

Tinawag ni Brosas ang panawagan ni Duterte para sa “pagpapalakas ng mga batas laban sa karahasang nakabatay sa kasarian’ bilang “sukdulang kaipokrituhan” lalo sa harap ng libu-libong kababaihang inulila ng kanyang amang si Rodrigo Duterte sa kanyang huwad na gera kontra-droga.

“The audacity! Ang lakas ng loob manawagan para sa katarungan para sa kababaihan habang hindi man lang kinikilala ang libo-libong ina na naulila, nawalan ng asawa, at napilitang mag-isang bumuhat ng pamilya dahil sa madugong polisiya ng kanyang ama,” ayon kay Brosas.

Sobra ring pinahirapan ng mga patakaran ng kanyang ama ang kababaihan, na nabalo at naging solong breadwinner o tagataguyod sa kani-kanilang mga pamilya matapos walang pakundangang patayin ang kanilang mga asawa at anak na lalaki.

Samantala, binatikos ni Elago ang mysogyny (pagkamuhi sa kababaihan) ng nakatatandang Duterte, na madalas idinadaan sa mga seksistang pahayag at biro kaugnay sa pangangatawan at panggagahasa sa kababaihan.

“Sa kanyang termino, ginawang normal…ang pagtingin sa kababaihan bilang mga bagay at ginawa pa niyang biro ang panggagahasa. Nagbigay ito ng mensahe na katanggap-tanggap ang karahasan laban sa kababaihan,” ayon kay Elago.

“Ang tunay na pagkilala sa Buwan ng Kababaihan ay ang pagharap sa katotohanan ng karahasan ng estado laban sa kababaihan at ang pagkilos para wakasan ito. Hindi ito simpleng mga mensahe at retorika, kundi kongkretong aksyon para sa tunay na pagbabago,” aniya.

AB: Pakitang-taong mensahe ni Sara Duterte sa Araw ng Kababaihang Anakpawis, kinutya