Pamilya ng namartir na Mangyan-Iraya, ginigipit ng 4th IB
Ilang araw nang ginigipit ng 4th IB ang pamilya ng Pulang mandirigmang namartir na si Marife Gayadan, isang Mangyan-Iraya, mula nang simulan nilang bawiin ang bangkay ng kaanak. Namartir si Gayadan sa isang engkwentro ng 4th IB at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sitio Tinis-an, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro.
Kinundena ng Karapatan-Southern Tagalog (ST) ang karahasang militar laban sa pamilya Gayadan at ang patung-patong na paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. “Walang respeto ang berdugong militar sa bangkay at pamilya nito,” pahayag ng grupo.
Mula nang dumating ang ama ni Marife na si Pepe Gayadan kasama ang humanitarian team ng Karapatan-ST sa bayan ng Roxas noong Disyembre 19, sadya silang inaantala ng pulis at 4th IB sa pagpuproseso nito. Dagdag dito, bigla na lamang sumulpot kinabukasan ang naratibo na may isa pang pamilyang umaako sa bangkay.
Lilitaw kalaunan na ang isang pamilya pa na tinutukoy ng mga pulis at militar ay ang ina at iba pang kapamilya ni Marife Gayadan. Inilinaw ni Tatay Pepe na hindi niya pinasama ang mga ito sa pagkuha ng bangkay dahil sa mahinang pangangatawan at kalusugan. “Pero para sa 4th IBPA, walang konsiderasyon ang edad sa kanila kaya’t pinilit pa nilang isama ang asawa ni Pepe,” pahayag ng Karapatan-ST.
“Pilit iniipit si Tatay Pepe sa mga dokumento at burukrasya kahit na malinaw naman sa ating batas ang mga nararapat na kunsiderasyon at karapatan na siya dapat binibigay sa mga kababayan nating katutubo,” ayon sa Karapatan-ST. Dagdag pa ng grupo, napakalayo ng ibinyahe ng ama ng martir para lamang makuha ang labi, maiuwi at mapagluksaan ng pamilya.
Liban dito, tinangkang itakas ng mga berdugong pulis at militar ang labi ni Marife noong gabi ng Disyembre 21. Dahil sa pagpigil ng humanitarian team dito, nasugatan ang ilan sa mga myembro ng Karapatan-ST. Nakuhanan ng bidyo at larawan ang brutalidad ng mga pwersa ng estado sa nagdaang mga araw.
“Itatakas at aagawin ang bangkay ng pinatay nila sa pamilya nito para piliting pabanguhin ang mga sarili nila sa pamilya at publiko na para bang hindi sila ang pumatay sa mga ito,” ayon sa Karapatan-ST. Karaniwang taktika ito ng mga sundalo at pagkatapos ay ipinapaskil sa social media ang kung anu-anong maling impormasyon at larawan.
Dagdag ng grupo, “ang lahat ng ito ay paglabag sa karapatang-tao, hindi lang ni Marife kung hindi ng kanyang buong pamilya, ito rin ay mga krimen sa digma na matagal nang praktis ng 4th IB.” Nanawagan ang grupo sa lokal na gubyerno na tulungan ang pamilyang Gayadan at itulak ang pulis at militar na sumunod sa mga batas at igalang ang mga karapatang-tao.
Samantala, nagpapatuloy ang militarisasyon at kaakibat nitong mga pang-aabusong militar sa Barangay San Vicente. Kinahaharap ng mga sibilyan sa komunidad ang pananakot, intimidasyon, panghaharang ng pagkain, pagkakampo at iba pang paglabag sa karapatan-tao.
Ang naturang barangay ay matagal nang nasa ilalim ng matinding militarisasyon sa kamay ng berdugong 203rd IBde. Noong Abril 2023, kabilang ang nasa 10,870 residente ng barangay sa lubhang naapektuhan ng walang pakundangang pambobomba ng 203rd IBde para sa isinigawa nitong “test firing” at nagpakawala ng tinatayang nasa 4-6 na bala.