Pamilya ni Mary Jane Veloso, nagsampa ng petisyon para sa habaeas corpus sa Korte Suprema
Naghain sa Korte Suprema ang pamilya ni Mary Jane Veloso ng petisyon para sa habeas corpus noong Nobyembre 14, para iharap siya sa korte at kwestyunin ang ligalidad ng kanyang pagkakapiit.
Ayon sa National Union of People’s Lawyers, iligal ang patuloy na pagkukulong kay Veloso nang walang hatol sa kanya.
“Si Veloso ay biktima ng human trafficking, hindi siya nararapat na magdusa sa kulungan. Wala rin ligal o pulitikal na batayan para siya manatiling nakakulong,” paliwanag ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.
Kinundena rin ng mga tagasuporta ni Veloso ang kawalan ng aksyon ng rehimeng Marcos sa panawagan ng mamamayan na bigyan siya ng clemency.
“Hindi makatwiran at sadyang pinapatagal ng rehimen ang pagkapiit kay Veloso. Matagal nang ipinasa ng gubyerno ng Indonesia ang responsibilidad sa pagpapalaya sa kanya, ngunit wala pa rin nangyayari sa kanyang kaso,” pahayag ni Concepion.
Sa sistema ng hustisya sa bansa, pinaparusahan ang mahihirap sa tuwing tumitindig sila para sa kanilang sarili. Samantala, ang mga kurap na upisyal ng gubyerno ay malaya na magdambong sa pondo ng taumbayan, dagdag ni Concepcion.
Naninindigan ang pamilya at sumusuporta kay Veloso na patuloy nilang ipananawagan ang kanyang agarang paglaya.