Pamumudmod ni Marcos Jr ng ayuda sa Negros, kinutya

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sinalubong ng protesta ng mga progresibong grupo ang pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr at kanyang asawa na si Liza Araneta Marcos sa Bacolod City noong Hunyo 26. Nagmartsa ang mga grupo sa ilalim ng Bayan-Negros mula Libertad Market tungong University of Negros Occidental Recoletos (UNO-R) kung saan nakatakda noon si Marcos na mamudmod ng ₱10,000 sa higit 8,000 magsasakang apektado ng El Niño sa Negros Occidental.

Ayon sa mga raliyista, ang ayuda ay parang “band-aid” lamang sa mga problema sa isla at ginagawa lamang ito para sa “pogi points” ng mga Marcos.

Ipinaabot nila ang kanilang disgusto sa rehimen at ang samutsaring isyu na kinakaharap ng mga Negrosanon. Kabilang dito ang isyu ng jeepney phaseout, reklamasyon at pagbubuo sa isla bilang isang rehiyon.

Kasama sa protesta ang mga magbubukid mula sa National Federation of Sugar Workers na nanawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Anila, libu-libong mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga asyenda ang dumaranas ngayon ng gutom, pero walang ginagawa ang rehimen para tugunan ang kanilang mga hinaing.

Bago pa makalapit ang mga raliyista sa UNO-R, hinarang sila ng mga pulis.

AB: Pamumudmod ni Marcos Jr ng ayuda sa Negros, kinutya