Pananalasa ng open-pit mining sa Davao Oriental, kinundena ng NDF-SMR
Kinundena ng National Democratic Front-Southern Mindanao ang mga kumpanya ng open-pit at malawakang pagmimina, at ang pakikipagsabwatan ng lokal na mga gubyerno sa Davao Oriental sa mga ito, sa isang pahayag na inilabas nito noong Hulyo 12. Ang mga minahang ito ay matatagpuan sa Banaybanay at Mati City.
“Sa gitna ng serye ng mga natural at gawa-ng-taong sakuna na tumama sa Davao Oriental mula pa noong nakaraang taon, nakasusuklam ang patuloy na ginagawang pagtatakip ng lokal na naghaharing uri sa masasamang epekto ng open-pit at malawakang pagmimina,” ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDF-SMR.
Isinisi NDF-SMR sa mga operasyon ng Arc Nickle Resources, Austral Asia Link Mining Corporation at Hallmark Mining Corporation ang polusyon at siltasyon (napupuno ng banlik) sa Mapaba River. Saklaw ng mga operasyon ng mga minahang ito ang 17,000 ektaryang nasa gitna at malapit sa dalawang deklaradong protektadong erya — ang Mt. Hamiguitan Wildlife Range (RA 9303) at Pujada Bay Protected Seascape and Landscape (Presidential Proclamation 431 at RA 7586). Ang Mt. Hamiguitan ay tirahan ng ilang malapit nang mawala na hayop tulad ng Philippine Eagle habang madalas namamataan sa Pujada Bay ang mga dugong.
Sinasabi ng lokal na gubyerno rito na hindi naman saklaw ng minahan ang dalawang protektadong lugar. Gayunpaman, apektado ng pagmimina ang kalidad ng tubig, hangin, biodiversity, mga rekurso at mga komunidad sa paligid nito. Ayon sa isang pananaliksik, hindi limitado at kumawala na sa kalupaang saklaw ng operasyon ang polusyong dala ng open-pit mining. Kita sa mga satellite image ang pagkakalbo ng kagubatan sa Mt. Hamiguitan at lubos na nitong nasira ang hugis ng kalupaan sa watershed. Dagdag dito, nasa Pacific Cordillera faultline ang mga minahan, at ang mga operasyon nito ang naging sanhi ng madalas na mga lindol sa lugar.
Dahil malapit ang mga minahan sa Pujada Bay, malaki ang posibilidad na ang mga basura (mine tailing) nito ay tatangayin tungo sa lugar na may mga coral reefs at sisira sa mga ito. Ibababa rin ng mga basurang kemikal ang kalidad na tubig sa dagat na papatay sa mga isda at iba pang hayop at pananim.
“(A)ng deka-dekadang pagmimina at kaakibat na operasyong pagtotroso sa Davao Oriental ay kumalbo sa mga gubat, naglason sa mga ilog, at dumiskaril sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad at kanilang mga kabuhayan,” ayon kay del Mundo. Ang mga epekto (ng pagmimina) ay randam na ramdan ng mamamayan, laluna sa panahon ng malalakas na ulan at bagyo. Sa unang bahagi ng taon, matitinding bagyo, ulan, pagguho ng lupa at nakaaalarmang mga kaso ng pagtatae ang dinaas ng mga residente sa mga komunidad na ito. “Lalo pa itong pinalala ng palpak na tugon ng reaksyunaryong rehimen sa mga sakuna,” aniya.
Taliwas sa ipinagmamayabang ng mga kumpanya sa mina rito, hungkag ang nakuha nitong Free Prior Informed Consent mula sa mga katutubong Mandaya na nakatira sa lugar. Ang nagbigay nito ay isang pekeng konseho ng mga elders na itinayo ng kumpanya at hindi kinilala ng mayorya ng mga Mandaya.
Katangahan at iresponsable ang pagpapahintulot at pagbibigay-katwiran sa patuloy na mga operasyon ng pagmimina, ayon pa sa NDF-SMR. Binweltahan nito ang mga “apolohista (o tagapangatwiran) ng pagmimina” kabilang ang mga lokal na gubyerno at ahensya sa prubinsya. Matagal nang walang silbi ang sinasabi ng mga ito na “responsableng pagmimina” dahil ni minsan ay di nila naparusahan ang mga kumpanya sa pagtatapon ng mga ito ng nakalalasong basura sa mga ilog at dagat.
“Tanging ang rebolusyonaryong kilusan, sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan, ang konsistent na umaaksyon laban sa mga mapanirang kumpanyang ito,” ani del Mundo. Sa nakaraang mga taon, matagumpay itong nakapaglunsad ng punitibong mga aksyon laban sa mga operasyon ng mga minahan.
Nanawagan ang NDF-SMR sa mamamayan sa Davao Oriental na aktibong labanan ang open-pit na pagmimina sa prubinsya. “Tiyak na lalala ang kasalukuyang sosyo-ekonomikong krisis na pinatindi ng sunud-sunod na sakunang dulot ng climate change kung hindi babaklasin ng isang malakas at malapad na nagkakaisang prente ang mga neoliberal na pakataran ng rehimen, laluna sa industriya ng pagmimina, na nagpapahintulot sa pagwasak sa ating kapaligiran at sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.”