Panawagan para sa hustisya sa Toboso masaker, nagpapatuloy at lumalakas
Nagpapatuloy at higit na lumalakas ang panawagan ng dumaraming sektor at grupo para imbestigahan at bigyang hustisya ang 19 na minasaker ng 79th IB sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maging sa ibayong dagat, naglunsad sila ng mga protesta, pagtitirik ng kandila, sama-samang panalangin at iba pang tipo ng aktibidad para isigaw ang hustisya para sa mga biktima.
Tampok ang protesta sa hedkwarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City noong Abril 24 para singilin ang rehimeng Marcos, kanyang armadong pwersa, at ang imperyalismong US sa pagtutulak ng gerang panunupil sa ngalan ng kontra-insurhensya laban sa mamamayang Pilipino. Malawakang lumahok ang mga estudyante ng University of the Philipines-Diliman sa sunud-sunod na mga pagkilos sa kampus sa Quezon City. Nagkaroon rin ng mga pagkilos sa US, Hong Kong, Australia at iba pang bansa.
Ang 19 na minasaker, kolektibong tinatawag na Toboso 19, ay pinalalabas ng 79th IB bilang mga armadong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na namatay sa ilang oras na engkwentro. Taliwas dito, iniulat ng mga grupo sa karapatang-tao na mayroong mga sibilyan at hindi kombatant sa 19.
Ayon rin mismo sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), 10 lamang sa 19 na napatay ang bahagi ng iskwad ng BHB na lumaban sa mga sundalo ng 79th IB. Kinilala sila bilang sina:
1. Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng BHB-Northern Negros
2. Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), Instruktor sa Pulitika
3. Rene Villarin Sr., 57, ng Barangay Marcelo, Calatrava, iskwad lider
4. Genevieve Balora (Ka Raia), mula sa Bacolod City, kadre ng Partido sa distrito
5. Pedro Bonghanoy, upisyal sa medikal, Barangay Libertad, Escalante City
6. Sonny Boy Caramihan, 28, mula sa Barangay Bagonbon, San Carlos City
7. Arnel Javoc, 32, mula sa Barangay Lalong, Calatrava
8. Joros Caramihan, 18, mula sa Don Salvador Benedicto
9. Labskie Purisimia Enustacion, 33, ng Sityo Tinibawan, Barangay Bug-ang, Toboso
10. Jocel Gimang, 18, ng Sityo Bautista, Barangay Malasibog, Escalante City.
Inihayag rin ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, na bagaman armado ang 10 ay hindi inaalis ang posibilidad na nilabag ng 79th IB ang kanilang mga karapatan alinsunod sa mga alituntunin sa digma at internasyunal na makataong batas. Aniya, lumabas sa social media ang mga bidyo mula mismo sa mga kamera ng drone ng AFP na nagpapakita kay Fabillar na buhay pa, at tila wala na sa pusisyong lumaban. “Nagpapahiwatig ito na siya ay sadyang pinatay ng mga pasista, sa halip na dinakip bilang bihag ng digma,” aniya.
Samantala, ang siyam na iba pa na pawang mga sibilyan ay sina:
1. Roel Sabillo, 19, magsasakang residente ng Barangay Tabun-ac, Toboso
2. R.J. Nichole Ledesma, 30, community journalist mula Bacolod City
3. Alyssa Alano, konsehal ng UP Diliman University Student Council
4. Maureen Keil Santuyo, 24, myembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-Youth)
5. Errol Wendel, 24, myembro ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura
6. Lyle Prijoles, 40, ng International Coalition for Human Rights in the Philippines, mula sa San Franciso, California (USA)
7. Kai Sorem, 26, myembro ng Anakbayan mula sa Seattle, Washington (USA)
8. isang 17 taong gulang na taga-Sitio Buklog, Barangay Lalong, Calatrava
9. isang 15 taong gulang na residente ng Sityo Plarending, Barangay Salamanca, Toboso
Sa pahayag ng mga organisasyong kinabibilangan nina Ledesma, Alano, Santuyo, Errol Wendel, Prijoles at Sorem, nasa Toboso ang anim para magsagawa ng pananaliksik at pakikiisa sa mga magsasakang itinataboy ng mga proyektong solar farm at windmill sa prubinsya. Ayon sa mga grupo, ang kapasyahan ng anim na magtungo sa militarisadong mga komunidad ng Negros Occidental ay isang mulat na hakbang na makiisa sa mga mahihirap na magsasaka sa lugar. Ang tatlong iba pa ay pawang mga residente ng barangay at kalapit na mga komunidad.
Ayon sa Karapatan, ang masaker ay maituturing na krimen sa digma na dapat panagutan ng rehimeng Marcos, ng AFP at ng National Task Force-Elcac. “Sila man ay sibilyan o kombatant, ang mismong dami ng mga napatay ay nagbubukas ng mahahalagang katanungan at konklusyon sa paraan ng operasyon ng AFP,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo.
Dagdag niya, ang paggamit ng militar ng labis at hindi katumbas na pwersa, ang tila kabiguan na gumawa ng mga hakbang upang maiwasan o mabawasan ang mga namatay, ang isang araw na media black-out, at ang magkakaibang ulat sa mga lugar ng insidente at mga nakuhang armas ay dapat kwestyunin. Kaya naman, ayon kay Palabay, ang posibilidad na nagsagawa ang militar ng isang masaker, isang krimen sa digma, kabilang na sa konteksto ng isang armadong sagupaan, ay dapat imbestigahan.”
Samantala, binatikos ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang pahayag ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro, Jr na nagbibigay katwiran sa masaker sa simpleng pagdadahilan na naroroon sa lugar ang mga sibilyan. Ayon sa NUPL, hindi lamang simpleng inuulit ni Teodoro ang mga pahayag ng 79th IB at AFP kundi tahasang sinasabi na ang mga mahihirap at ang mga naninindigan kasama sila ay walang lehitimong lugar sa mga komunidad na dumaranas ng karahasan araw-araw.
Nagbato ng patung-patong na mga katanungang ligal ang NUPL kina Teodoro at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr. “Bakit nga ba ang tugon ng militar sa pagsusuri ng publiko ay sumusunod sa isang pamilyar nang iskrip: bubuuin ang eksena, kokontrolin ang kwento, at pagkatapos ay sisisihin ang mga namatay dahil sa kung nasaan sila nang matagpuan?” anito.
Dagdag ng grupo, hindi ito kabigla-bigla laluna at ang AFP ay may dokumentadong rekord ng paglabag sa internasyunal na makataong batas laban sa mga sibilyan, mga hors de combat o walang kakayahang lumaban, at sa mga pinatay nito. “Nanawagan kami para sa pananagutan—hindi lamang para sa mga kumalabit ng baril, kundi para rin sa mga nag-utos, nagpahintulot, at nagkubli sa mga pagpatay na ito,” pahayag ng NUPL.
Nakiisa rin sa panawagan para sa hustisya at independyenteng imbestigasyon si San Carlos City Bishop at Caritas Philippines President Most Rev. Gerardo A. Alminaza, D.D. Aniya, insidente sa Toboso ay hindi lamang nag-iwan ng mga nawalang buhay, kundi mga katanungang nananatiling hindi pa nareresolba. “Sino ang mga biktima? Ano ba ang tunay na nangyari? Lahat ba ng napatay ay bahagi ng isang armadong sagupaan—o may ilan na nadamay sa mga sitwasyong nangangailangan ng mas malalim na pagsusuri?” aniya.
Dagdag ng obispo, tinatawag umano ang mamamayan na tumindig kung saan nakatindig si Kristo—kasama ang mga nasugatan, ang mga nagluluksa, at sa hanay ng mga naghahanap ng katotohanan. Mahalaga rin umanong tuluy-tuloy na kumilos para sa kapayapaan. Gayunman, paglilinaw niya, “ang kapayapaan ay hindi kawalan ng tunggalian kundi presensya ng hustisya, at ang hustisya ay nagmumula sa katotohanan.”
Nanawagan na rin ang ilang mga partido at kongresista para sa independyenteng imbestigasyon sa masaker sa Toboso. Nagsumite ng resolusyon sa House of Representatives noong Abril 27 ang mga kinatawan ng mga partidong bahagi ng Makabayan Bloc para paimbestigahan ang insidente. Nanawagan rin ng imbestigasyon si ML Partylist Rep. Leila de Lima.
Samantala, nag-anunsyo na ang Commission on Human Rights na magsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa insidente. Sa nakaraan, naglunsad rin ng mga katulad na imbestigasyon ang ahensya sa mga pagpatay at masaker ng AFP sa mga sibilyan sa Negros ngunit hanggang ngayon ay bigong makapaglabas ng anumang makabuluhang resulta.
Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa mamamayang Pilipino na magkaisa at biguin ang tiranyang si Marcos at ipaglaban ang hustisya. “Ang panawagan ng bayan para sa hustisya ay higit na makapangyarihan, at hindi magmamaliw sa panawagan para sa pananagutan,” ayon sa Bayan.