Panawagang "snap election" ng isang senador, kinastigo ng Makabayan
Tinawag ng Makabayan Bloc sa House of Representatives na “tipikal na pagpapalabnaw sa isyu ng katiwalian” ang kamakailang panawagan ni Sen. Allan Peter Cayetano na idaos ang isang “snap election” bilang tugon sa malawakang katiwalian sa gubyerno. Itinulak ni Cayetano ang mungkahing palitan ang mga nasa pusisyon kapwa sa ehekutibo at lehislatura sa pagdadahilang “wala nang tiwala” ang taumbayan sa mga nasa pusisyon.
Ayon sa mga kinatawan ng Makabayan, inililihis lamang ng pakulo ni Cayetano ang pokus mula sa pananagutan sa katiwalian patungo sa snap election. “Nagbibigay ito ng ilusyon na ang katiwalian ay maaaring malutas lamang sa pamamagitan ng proseso ng halalan na pinamumunuan pa rin ng mga dinastiya sa pulitika at mga bulok na pulitiko,” anang grupo.
“Paano malulutas ng agarang halalan ang isyu ng pananagutan? Ang panukalang ito ay isang panakip-butas at paraan upang mapawi ang protesta ng mga mamamayan,” ayon sa Makabayan Bloc. Idiniin pa ng grupo na tanging ang mga personahe lamang ang babaguhin ng snap election at pananatilihin ang isang sistemang nakaugat na ang korapsyon.
Mas pabor ang Makabayan Bloc sa pagsasakdal at pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa katiwalian—mula sa tuktok hanggang ibaba. Sa loob ng Kongreso, nagsisikap ang Makabayan Bloc na ilantad pa ang mga isyu ng katiwalian laluna sa harap ng mga pagdinig para sa panukalang badyet sa 2026.
Kamakailan lamang, isiniwalat sa Kongreso ni Rep. Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Party-list, na di bababa sa 3,700 dagdag na proyekto na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon ang inaprubahan ni Marcos mismo at pinondohan mula sa hawak niyang pondong unprogrammed allocations (UA) noong 2023-2025.
Patuloy rin ang suporta ng Makabayan Bloc sa mga kilos-protesta, kalampagan, walkout at iba pang pagkilos laban sa katiwalian sa nagdaang mga linggo. Dumadalo sa mga pagtitipon at pagkilos sina Rep. Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sara Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Co para magbigay ng mensahe at pakikiisa.