Balita

Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ginunita sa protesta laban sa rehimeng US-Marcos

,

Nagprotesta ang libu-libong kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis noong Marso 8. Pinangunahan ng Gabriela ang mga pagkilos.

Sa Maynila, nagtipon sila, kasama ang iba pang mga organisasyon, sa Liwasang Bonifacio, bago bumyahe patungong Laguna para suportahan ang nakawelgang mga manggagawa ng Nexperia sa Cabuyao, Laguna. Sa araw na iyon, pwersahang ipinabalik ng ng estado ang mga manggagawa sa trabaho, sa pamamagitan ng paglalabas ng return-to-work order ng DOLE. Mayorya ng manggagawa sa Nexperia ay kababaihan.

Sa Laguna mismo, nagkaroon ng rali sa Olivarez Plaza, Los Baños. Lumahok dito ang Gabriela Youth-University of the Philippines-Los Banos (UPLB), League of Filipino Students-UPLB, mga konseho ng mga mag-aaral ng UPLB at Inter-Sorority Council. Inilahad nila ang burukratikong tugon ng UPLB sa paghawak ng mga kaso ng sexual harassment at ang mahirap na pag-abot ng mga serbisyo para sa mga kababaihan.

Sa Batangas City, nagtipon ang 300 kababaihan sa Balayan, kasama ang mga koordineytor ng Makabayan at Gabriela Women’s Party. Isinagawa nila ang sayaw-protesta ng One Billion Rising bilang bahagi ng kanilang paggunita.

Sa Baguio City, pinangunahan ng Innabuyog-Gabriela ang rali sa Igorot Park. Panwagan nila ang pagtatapos ng karahasan laban sa kababaihan. Tinuligsa rin nila ang mga atake sa kababaihang aktibista at iginiit ang pagbabasura ng gawa-gawang mga kaso ng “pagpinansya ng terorismo” laban sa kanila.

Sa Tabuk City, nagtipon ang expanded provincial council ng Innabuyaog Kalinga para gunitain ang araw nang may pagkakaisa at pakikibaka. Pinagtibay nila ang kanilang pakikibaka para ipagtanggil ang karapatan, kabuhayan at kapiligiran. Tinalakay nila ang mga kampanya para laban sa mapangwasak na mga proyekto at paglabag sa karapatang-tao sa Kalinga.

Sa Naga City, isinagawa ang martsa at programa sa Plaza Quince Martires. Kasabay nito, naglunsad ng programa ang Bicolana Gabriela sa Legazpi City.

Sa Iloilo City, nagtipon ang Gabriel Women’s Party (GWP)-Panay at GWP-Guimaras, MASIPAG-Visayas, at Panay Alliance of Concerned Citizens for Health and Environmental Protection sa isang porum para talakayin ang kalagayan at mga pakikibaka ng kababaihan sa Jubilee Hall, St. Clement’s Church. Nagmartsa sila tungong Iloilo Provincial Capitol pagkatapos ng forum at doon ginawa ang sayaw-protesta. Nagkaroon rin ng martsa-protesta sa Metro Colon, Cebu.

Sa Davao, nagrali sa Freedom Park ang mga aktibistang kababaihan at kanilang mga alyado.

Sa mga protestang ito, kinundena ng kababaihan ang kaiuntilan ng rehimeng Marcos na ibaba ang presyo ng mga bilihin, kawalang trabaho, mababang sahod, at lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayan sa pangkalahatan.

“Direktang atake sa kababaihang Pilipino, na bumabalikat sa tungkulin ng pagtataguyod ng kanilang mga pamilya, ang pagsirit ng presyo ng batayang mga bilihin,” ayon kay Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. “Laluna sa gitna ng kawalan ng regular na trabaho at nakapakong sahod at kita ng manggagawa, kababaihan ang bumabalikat sa kawalang-aksyon ng rehimeng Marcos Jr para kontrolin ang pagsirit ng presyo ng pagkain at iba pang gastusin.”

Anang Gabriela, ibinubukas ng kalagayang ito ang kababaihan sa abuso at iba pang paglabag sa karapatang-tao. Inihapag din nila ang adyenda ng kababaihan at mamamayan na sinaklaw ang kalagayan ng kababaihan at kanilang mga hinaing; at ang pangako nilang isulong ang pakkibaka para kababaihan sa lahat ng lugar at larangan.

“Ang adyenda ng kababaihan ay adyenda ng mamamayan, at ilalaban natin ito sa lahat ng larangan. Kalampagin natin ang rehimeng US-Marcos! Taglay nito ang lahat ng kapangyarihan at, higit sa lahat, pinakamalaking pananagutang tugunan ang ating mga panawagan,” ayon kay Palce. Dapat panagutin si Marcos sa pagdurusa ng mga Pilipino, lalupa’t ang mga neoliberal na patakaran ng estado ang nagtulak nito.

“Pupuksain natin ang mga peste sa Malacanang at sa lipunang Pilipino, na walang ibang hatid kundi pasakit sa kababaihan at mamamayang Pilipino,” aniya.

 

___
Updated: March 10, 2025, 4:07 PM

AB: Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ginunita sa protesta laban sa rehimeng US-Marcos