Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo, ginunita sa protesta sa 3 kagawaran ng estado
Ginunita ng mga grupong katutubo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang Pangdaigdigang Araw ng mga Katutubo noong Agosto 9. Sa pangunguna ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, kasama ang mga grupong pambansa-demokratiko at maka-kalikasan, dinala nila sa Camp Aguinaldo, at mga upisina ng Department of Environment and Natural Resources, at National Commission on Indigenous Peoples ang kanilang mga hinaing.
Sa harap ng Camp Crame, punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines, kinundena nila ang militarisasyon, pambobomba, panggigipit gamit ang batas at iba pang paglabag ng AFP sa mga karapatang-tao ng mga katutubo.
Sa tala ng mga grupo sa karapatang-tao, mayroon nang 334 tagapagtanggol ng kalikasan ang pinatay ng estada mula 2001 hanggang 2024. Ang 164 sa kanila ay pinatay dahil sa paglaban nila sa malalaking kumpanya sa mina na nagwasak sa mga kabundukan, na lupa at kabuhayan ng mga pambansang minorya.
Sa DENR, iginiit nila ang karapatan ng mga pambansang minorya sa lupang ninuno at sariling pagpapasya sa harap ng patuloy na pagbebenta sa dayuhan ng ating likas yaman at militarisasyon ng kanilang komunidad. Kinundena nila ang ahensya sa pakikipagsabwatan sa malalaking kumpanya sa mina at dam na sumisira sa kalikasan at nagpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga lupa.
Sa tala ng Katribu, di bababa sa 14 kumpanya na pinopondohan ng mga dayuhan ang umaagaw ng mga lupang ninuno. Ang mga ito ang Didipio Gold and Copper Mine sa Nueva Vizcaya, Ipilan Nickel Corporation sa Palawan, at Tampakan Mining sa South Cotabato, Solar UV Farm sa Ilocos Norte, Gened at Saltan Dams sa Cordillera, Kaliwa Dam sa Rizal at Quezon, Jalaur Dam sa Iloilo, at South Pulangi Hydroelectric Power Plant sa Bukidnon.
Sa NCIP, pinanagot nila ang ahensya sa walang lubay na pagpapabaya nito sa mga komunidad katutubo. siningil nila ang ahensya sa kainutilan nito sa harap ng malawakang paglabag sa karapatang-tao ng mga tagapagtanggol ng mga katutubo, tulad nina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, at ang di makatarungang paghatol na nagkasala sa Talaingod 13. Binatikos din nila ang ahensya sa pagbabago nito sa proseso ng pagkuha ng FPIC nang di kinukonsulta ang mga katutubo. Gayundin, siningil nila ang ahensya sa mahigpit na pakikipag-ugnayan nito sa NTF-Elcac, na instrumento sa maraming pagabay sa karapatang-tao ng mga pambansang minorya.