Pangangamkam ng lupa ng isang kongresista, napaatras ng mga mangingisda ng Sorsogon
Ipinawalambisa ng isang korte sa munisipalidad ng Gubat, Sorsogon noong Agosto 20 ang sinampang kaso ng LKY Resorts and Hotels Inc na recovery of possession with damages laban sa mga mangingisda sa Barangay Cogon ng Gubat, Sorsogon. Layunin ng naturang reklamo ang kamkamin ang 28,473 metro-kwadradong lupa sa naturang barangay. Ang kumpanyang LKY ay pag-aari ni Rep. Wilberto Lee, kinatawan ng AGRI Party-list at ngayon ay myembro ng partidong Aksyon Demokratiko.
Ikalawang tagumpay na ito sa korte ng grupong KULAG. NoongOktubre 13, 2020, nagsampa ang LKY ng kasong “unlawful detainer” kung saan inakusahan nila ang mga lokal na mangingisda ng iligal na pamamaagi sa lupang inaangkin ng kumpanya. Una nang ibinasura ng korte ang kasong ito.
Ayon sa grupong Kulag, organisasyon ng mga mangingisda sa Gubat, ang kaso na ito ay isa lamang sa nagpapatuloy na laban ng mga lokal na komunidad laban sa pangangamkam ng mga naghaharing uri sa lupa at mga rekurso ng kanilang barangay.
Sa pahayag na inilabas sa Facebook page ng Save Gubat Bay Movement, isinaad din ng Kulag ang kanilang pagkadismaya kay Rep. Wowo Fortes, kinatawan ng ikalawang distrito ng Sorsogon. Ang mga hakbang ni Fortes ay taliwas sa mga pangakong binitiwan niya noong panahon ng kanyang pangangampanya na siya ay magiging maka-magingisda at maka-magsasaka. Sa isang bidyo ng kongresista, makikitang ineengganyo nito ang mga mangingisda na isuko ang karapatan sa kanilang lupa dahil wala raw sila diumanong laban. Si Fortes ay kilalang kaibigan ni Rep. Lee.
“Simbolo ng pag-asa ang desisyon ng korte para sa mga mangingisda, na nagpapatunay sa karapatan nila sa kanilang lupa. Ipinapakita rin ng tagumpay na ito ang katatagan at paninidigan ng mga komunidad laban sa pananakot at agresyon ng naghaharing uri laban sa kanila.”
“Sa kabila ng tagumpay na ito, nanatiling mapagmatyag ang mga mangingisda ng Gubat laban sa mga susunod na pag-aatake at banta, at ang laban na ito ay bahagi lamang sa mas-malaki pang laban para sa pagkilala sa kanilang mga karapatan” dagdag pa ng grupong Kulag.
Patuloy ding naninindigan kasama ng KULAG ang iba pang mga grupo ng mga mangingisda tulad ng Cota na Dako Crablet Workers (COTAW), Sorsogon King Crab Raisers Associations Inc. (SKRA), Samahan alay sa Kalikasan Kooperatiba (SAAAKO) para sa kabuhayan, karapatan at kalikasan.