Panggigipit ng AFP sa mangingisdang tumindig laban sa China, binweltahan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinundena ng grupong Pamalakaya ang intimidasyon ng Armed Forces of the Philippines sa grupo ng mga mangingisda sa Zambales na nagsagawa ng kolektibong pangingisda bilang protesta sa pag-angkin ng China sa mga pangisdaang bahagi ng West Philippine Sea noong nakaraang buwan. Sa isang ulat, isinasalay ni Joey Marabe, kalihim ng Panatag Fisherfolk Association (Panatag), na isinasailalim ang mga myembro ng kanilang organisasyon sa sarbeylans ng militar matapos nilang isinagawa ang kolektibong pangingisda, kasama ang Pamalakaya at mga tagasuporta nito, noong Mayo 30-31.

Isa-isa silang “binisita” ng nagpakilalang mga sundalo ng 69th IB at kinuha ang kanilang mga impormasyon at pangalan ng mga kasama nila sa Pamalakaya. Isa rito si Julius Ecijan, presidente ng Panatag, na “binisita” ng militar noong Hunyo 1, at muli noong Hunyo 13. Sa pakikipag-usap sa mga mangingisda, nagpakita ang mga sundalo ng mga litrato ng mga myembro ng Pamalakaya na inakusahan nilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan.

“Bakit tinatakot ng militar ang mga mangingisdang Pilipino na tumindig laban sa dayuhang panghihimasok sa West PHilippine Sea?” tanong ng Pamalakaya. Ginigipit na nga sila ng mga dayuhan, laluna ng Chinese Coast Guard na nagtataboy sa kanila sa teritoryong dagat ng Pilipinas, pinagbabantaan pa sila ng mga lokal na awtoridad.

“Repleksyon ito ng paninindigan ng administrasyong Marcos, na mas pinipiling patahimikin ang mga mangigisda, kaysa hayaan silang tanganin ang kanilang patriyotikong tungkulin na ipagtanggol ang ating soberanya at teritoryal na integridad,” anila.

Walang papel ang militar sa mga aktibidad ng grupo, ayon sa Pamalakaya. Mas lalong mali ang pang-rered-tag sa Pamalakaya na inaakusahan ng mga sundalo “nagsasamantala sa sitwasyon.”

“Walang nagsasamantala sa mga mangingisda kung ang mga dayuhan na nang-aagaw sa mga pangisdaan, at ang mga lokal na awtoridad na gusto silang patahimihikin at pigilan na sumali sa mga progresibong organisasyon.”

AB: Panggigipit ng AFP sa mangingisdang tumindig laban sa China, binweltahan