Panghihimasok at panlilinlang ng 59th IB sa mga unibersidad at kolehiyo sa Batangas, binatikos
Kinundena ng Kabataang Makabayan (KM)-Batangas ang serye ng panghihimasok at panlilinlang ng 59th IB sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Batangas sa nagdaang mga linggo. Anang grupo, ang naturang mga aktibidad ay desperasyon ng 59th IB na pigilan ang pagkamulat ng mga kabataan sa katotohanan at karahasan ng estado laban sa mamamayang Pilipino at “wakasan” ang rebolusyonaryong kilusan.
Ayon sa grupo, libu-libong estudyante ang pinadalo sa mga “symposium” unibersidad at kolehiyo na ipinatawag ng 59th IB ng AFP, mga pulis at ang pasistang National Task Force-Elcac. Kabilang sa mga eskwelahan ang Batangas State University, Technological University of the Philippines-Batangas, Polytechnic University of the Philippines-Sto. Tomas, Cuenca Institute, at Cuenca Senior High School.
Nagpapakalat ng lason ang 59th IB kaugnay ng kanilang pagpatay sa 9-taong gulang na si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas, naghuhugas-kamay sa kanilang responsibilidad at isinisisi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas ang karumal-dumal na krimen. Binibigyang katwiran din nito ang pagpatay kay Maximino Digno, isang matandang magsasaka na may kapansanan sa pag-iisip, sa bayan ng Calaca sa pagdadahilang “napatay sa engkwentro.”
“Bagamat paulit-ulit na itong pinasinungalingan at binatikos ng mga kaanak, kaibigan at kabarangay ng dalawa, pinaninindigan pa rin ng berdugong kasundaluhan ang mga kasinungalingang ito,” ayon sa KM-Batangas.
Bumubula din ang bibig ng 59th IB sa paulit-ulit na panrered-tag at pagbabansag na “terorista” sa mga ligal na samahang masa na nagsusulong ng karapatan sa edukasyon, malayang pag-oorganisa at pamamahayag, at iba pang batayang demokratikong karapatan ng mga kabataan.
Giit ng grupo, sa kabila ng tangkang takutin ang hanay ng mga kabataan at payukuin sa paghaharing militar sa prubinsya, nananatili umanong “ang diwa at paninindigan ng mga rebolusyonaryong kabataan” sa kawastuhan ng pagrerebolusyon bilang natatanging solusyon sa higit na lumalalang krisis ng lipunan dulot ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Pinalalakas ng KM-Batangas ang suporta nito sa hukbong bayan, mula sa parehong mga pwersang nakabase sa kanayunan at kalunsuran. “Masugid ding lumalahok ang rebolusyonaryong kabataan sa gawaing pampulitika, produksyon, militar, at iba pa,” ayon sa grupo.
Anang grupo, nagpapatuloy din ang taus-pusong pagsuporta ng mga kabataan sa digmang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang materyal at pinansyal, integrasyon, pag-tour of duty at pagsampa sa Hukbo, hanggang sa paglulunsad ng mga operasyong pinta at dikit at mga rebolusyonaryong pag-aaral upang itaas ang pampulitikang kamulatan ng mga kabataan.
“Hinahamon ng KM-Batangas ang kabataan at estudyante sa prubinsya na patalasin ang kritikal na kaisipan, puspusang pag-aralan ang 55-taon nang digmang bayan sa Pilipinas, at walang humpay na turulin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa,” pahayag pa ng grupo.
Mahalaga anito na tuluy-tuloy na magsigasig ang mag kabataan para igiit ang kanilang demokratikong mga panawagan, gayundin ang disgusto at pagkamuhi sa bulok na kalakaran ng AFP-PNP at isiwalat ito sa malawak na mamamayan sa lahat ng paraan. “Sa gayon, mabibigo ang bawat pagtatangka ng reaksyunaryong estado at militar na bansutin ang kaisipan nating mga kabataan, ikulong tayo sa apat na sulok ng paaralan at ihiwalay sa pakikibaka ng mamamayan sa lipunang ating kinabibilangan,” pagtatapos nito.