Panghuhuli ng LTFRB sa mga hindi nagkonsolidang dyip, muling binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nagprotesta ang mga drayber at opereytor ng dyip ngayong araw, Hunyo 10, kasabay ng pagbabanta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na paiigtingin nito ang panghuhuli sa bumibyaheng mga dyip na hindi pumaloob sa sapilitang konsolidasyon. Nagkaroon ng mga protesta sa Metro Manila at Iloilo City.

Nagmartsa tungong upisina ng LTFRB at LTO sa Quezon City ang daan-daang kasapi ng Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon). Ngayong araw din ang pagsisimula ng kanilang 3-araw na tigil-pasada. Giit ng grupo, payagan silang makabyahe para sa kanilang kabuhayan.

Sa Pateros, tatlong asosasyon ng mga drayber at opereytor ng dyip ang nagsama-sama para sa kanilang lokal na kilos-protesta. Binatikos nila ang pag-aresto ng LTO sa isa nilang myembro noong nakaraang linggo. Lumabag umano siya sa batas dahil hindi rehistrado at hindi kasali sa konsolidasyon ang kanyang dyip. Binaklas ang kanyang plaka at pinatubos ito sa LTO.

Nang tubusin ng opereytor, siningil siya ng ₱50,000 dahil hindi ito nagpakonsolida. Pero inalok siya ng upisina na gagawin itong ₱10,000 lamang kung papaloob sa konsolidasyon. Anang mga drayber at opereytor, pamemera lamang ito at panggigipit sa mga ayaw magpakonsolida.

Ang patakaran ng sapilitang konsolidasyong ng prangkisa ay bahagi ng buong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), tinatawag na ngayong Public Transport Modernization Porgram (PTMP) ng rehimen. Kadugtong din ito ng pagpapatupad sa bagong mga ruta ng pagbyahe ng mga dyip o Local Public Transport Route Plan (LPTRP) sa mga prubinsya.

“Lantarang pinamumukha sa atin ng gubyerno ni Marcos Jr na wala silang pakialam sa mga hinaing ng taumbayan at gagawin nila ang anumang pamamaraang gusto nila mapasakamay lang ng mga kasosyo nilang malalaking korporasyon ang mga ruta ng PUV na matagal nang itinaguyod ng mga tsuper at maliliit na opereytor,” pahayag ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Binatikos din ng grupo ang pahayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz na partikular nilang tatargetin ang mga ruta kung saan pumapasada ang mga kasapi ng Piston. “Tahasang atake sa organisadong pagkilos at karapatan sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa pampublikong transportasyon [ang pahayag na ito ni Guadiz]”, ayon pa sa grupo.

Giit ng grupo, “mas napapanahon ang tuloy-tuloy na pagkilos para magkaisang labanan ang mga tahasang pumapatay sa ating pampublikong transportasyon.” Ipinaglalaban ng grupo ang pagbabalik sa 5-taong indibidwal na prangkisa, pagpapatigil sa panghuhuli at buung-buong pagbabasura sa palpak, pahirap, korap, at makadayuhang PUVMP.

Samantala, nagrali rin ang mga kasapi ng Manibela sa Negros at Panay sa upisina ng LTFRB Region 6 sa Iloilo City. Ipinanawagan nila ang pagbaba sa pwesto ni LTFRB Region 6 Regional Director Atty. Salvador Altura Jr.

AB: Panghuhuli ng LTFRB sa mga hindi nagkonsolidang dyip, muling binatikos