Panibagong serye ng pambobomba sa Oriental Mindoro, kinundena
Kinundena ng mga grupo sa karapatang-tao ang panibagong serye ng aerial strafing at pambobomba ng 203rd IBde sa Oriental Mindoro na isinagawa nito noong Marso 1. Ayon sa Karapatan-Southern Tagalog (ST), nagdulot ng ligalig ang pag-atake sa mga komunidad ng magsasaka at Mangyan-Hanunuo sa bayan ng Mansalay.
Sa ulat ng mga residente, alas-10 ng umaga naganap ang unang bugso ng pagpapaulan ng bala mula sa ere gamit ang dalawang blackhawk helicopter sa Sityo Lomboy, Barangay Panaytayan. Matapos nito, muling bumalik ang mga helikopter dakong alas-2:30 ng hapon at naglaglag ng apat na bomba kasabay ang walang habas na pagpapaputok sa magkakatabing sityo ng Lomboy, Abaka, at Matarayo.
Isinagawa ng mga berdugo ang terorismo mula sa himpapawid matapos ang isang gawa-gawang labanan ng 4th IB laban diumano sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro. “Ang katotohanan, walang [yunit ng hukbong bayan] sa lugar nang mangyari ang walang habas na pamumutok at pambobomba,” ayon kay Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng National Democratic Front-Mindoro.
Sa taya ng Karapatan-ST, naapektuhan rin ng pambobomba ang iba pang karatig na komunidad ng Buol, Amaga, Tangkulang, Salay, at Proper na sakop pa rin ng Barangay Panaytayan, at mga sityo ng Puyuhan at Badi na sakop ng katabing Barangay Teresita.
“Ito ay malinaw na paglabag sa pandaigdigang makataong batas (International Humanitarian Law o IHL) na nagbabawal sa walang patumanggang pag-istraping at pambobomba dahilan para mapinsala ang mga ari-arian, buhay, at pamumuhay ng mga sibilyan,” ayon sa Karapatan-ST.
Dagdag rito, patuloy ang pagkakampo ng mga sundalo sa Barangay Panaytayan bilang bahagi ng malawakang operasyong kombat at Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga sentrong pamayanan. Noong nakaraang taong lamang, nagpataw ng blokeyo sa pagkain ang mga sundalo sa barangay at kinontrol ang ekonomikong aktibidad ng mga residente.
“Malaking perwisyo ito sa mga residente na ang pangunahing pinagkakakitaan ay pagkokopra at pag-uuling,” anang Karapatan-ST.
Ang Barangay Panaytayan ay kabilang sa “prayoridad” na barangay ng National Task Force-Elcac sa balangkas ng kontra-rebolusyonaryong gera rehimeng US-Marcos. Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, sapilitang pinasuko ng mga pwersa ng estado ang 200 Mangyan Hanunuo mula sa barangay para ibandila na “nagtatagumpay” ang kanilang kampanya laban sa BHB.
Sa tala ng NDF-Mindoro, kasalukuyang mayroong 11 kampo militar sa Barangay Panaytayan kabilang ang apat na detatsment at pitong operasyong RCSP.
Ang pambobomba sa Mansalay ay kasunod ng aerial strafing at pambobomba rin sa bayan ng Pola noong Pebrero 19. “Patunay ito ng matinding militarisasyon sa ilalim ng madugong kontra-insurhensyang programa na pinangungunahan ng berdugong 4th IB at iba pang batalyon sa ilalim ng 203rd IBde na patuloy na bumibiktima sa masang Mindoreño,” anang Karapatan-ST.