Panic-buying ng bigas sa Davao City, salamin ng matinding krisis sa syudad

,

Nagkaroon ng malawakang panic-buying ng bigas sa Davao City mula Hulyo 9 matapos kumalat sa social media na kulang na ang suplay sa syudad. Maraming netizen ang nag-post sa kulang na ang suplay ng bigas sa mayor na mga palengke, partikular sa Bankerohan Public Market.

Naobserbahan ang panic-buying sa mataas na pila sa mga bilihan ng bigas sa Monteverde St. Inamin ng lokal na upisina ng kagawaran sa agrikultura na nagkaroon ng “temporaryong kakulangan” dahil hindi sa naantalang byahe ng dagdag na suplay.

“Salamin ang “shortage” ng tumitinding krisis sa ekonomya, mababang sweldo at kakulangan ng mapagkakakitaan ng mga Dabawenyo,” pahayag ng Bagong Alyansang Mabayan-Southern Mindanao Region (Bayan-SMR). Resulta ito ng mga neoliberal na patakarang patuloy na ipinatutupad ng rehimeng Marcos tulad ng Rice Importation Law. Sa ilalim ng batas na ito, naging palaasa ang bansa sa importasyon ng bigas.

“Dumagdag sa krisis ng bigas ang pagsisimula ng “lean months,” dahil (sadyang) itinago ng mga kartel ang bigas mula sa lokal na produksyon ng palay para pagdating ng bigas mula sa ibang bansa, ibebenta nila ito sa mas mahal na presyo,” pahayag ng grupo.

“Ang naganap na panic-buying resulta ng pag-aalala ng mahihirap na Dabawenyo na tataas pa ang presyo ng bigas,” anito. Malaking dagdag ito sa mga pamilya laluna panahon na naman ng enrolment ng mga estudyante. Malayong-malayo pa rin ang presyo ng bigas sa pangaki ni Marcos na P20/kilo.

Nanawagan ang Bayan-SMR sa masang Dabawenyo na magkaisa at manindigan para igiit ang karapatan sa trabaho at baguhin ang kasalukuyang sistemang nagsisilbi sa malalaking dayuhan at lokal kapitalista, mga panginoong maylupa at burukrata.

“Mariin nating igiit ang pagpapalakas ng lokal na produksyon sa pamamagitan ng pagpatupad ng tunay na repormang agraryo, at pambansang industriyalisasyon para matugunan ang batayang mga problema ng gutom at paghihirap sa ating bansa,” anito.

AB: Panic-buying ng bigas sa Davao City, salamin ng matinding krisis sa syudad