Balita

Paniniktik ng rehimeng Marcos gamit ang isang estudyante, inilantad at binatikos

,

Iniulat ng Anakbayan-West Visayas State University (WVSU) ang pagkumpronta nito sa isang myembro ng Student Intelligence Network (SIN) sa ilalim ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) na nagpapanggap na estudyante ng unibersidad at naniktik sa kanilang organisasyon. Napaamin ng Anakbayan-WVSU ang naturang indibidwal sa kanyang ginawang paniniktik sa mga kasapi ng organisasyon alinsunod sa atas sa kanya sa ROTC.

“Sa nagdaang limang buwan, mahigpit na binatayan ang indibidwal na ito dahil sa napakaraming kahina-hinalang aksyon na kanyang ginawa,” ayon sa grupo. Naiulat umano ang maraming pagkakataon na kumukuha siya ng malapitang larawan ng mga kasapi ng Anakbayan-WVSU nang walang pahintulot.

Nagpakilala umano sa kanila ang indibidwal bilang estudyante ng College of Education ngunit ni minsan ay hindi nila nakitang nagsuot ng angkop na uniporme at ng ID. Nakakuha rin ng larawan ang grupo na nagsasanay ng rifle drill ang naturang indibidwal sa kabila ng pagtanggi niyang kasapi siya ng ROTC.

Dahil dito ay nagtakda ng isang pulong ang organisasyon kay “Simoun” para kumprontahin. Dito na inamin ng indibidwal na hindi siya estudyante ng WVSU, isa siyang upisyal ng ROTC, nagmula siya sa ibang unibersidad, kumukuha siya ng mga larawan ng mga kasapi ng Anakbayan-WVSU at ipinadadala ang mga larawang ito sa kanilang “upisina” bilang bahagi ng kanyang “ulat.”

“Sa pagkakalantad sa kanyang adyenda, ipinakikita nito kung paano kinakasangkapan ng ROTC, ng institusyong militar at ng gubyerno ang mga kapwa estudyante para bantayan, manmanan at iharas ang kabataan—kapwa nila estudyante na nagtataguyod lamang ng karapatan at kagalingan ng mga estudyante,” ayon sa grupo. Ipnahayag ng Anakbayan-WVSU ang kanilang galit sa ganitong kalakaran at sistema.

Naipakita rin umano sa insidenteng ito ang nililikha ng militar na kultura ng kawalang pakundangan at idinidikdik ito sa utak ng mga kabataan. “Ang bulok at atrasadong kultura at kaisipang ito ay ituturo sa ating mga estudyante kung maipatutupad ang mandatory ROTC,” pahayag pa nito.

Anila, hindi tugon ang militarisasyon sa krisis sa edukasyon na kinahaharap ng bansa. Sa halip umanong gumastos ng limpak-limpak na pera ng bayan sa mga operasyong paniktik at pagmamanman laban sa mga progresibo, ilaan na lamang dapat ang badyet para sa pagpapaunlad ng sektor ng edukasyon.

Nanawagan ang Anakbayan-WVSU sa administrasyon ng unibersidad na ipagtanggol nito ang mga estudyante at itaguyod ang kanilang mga karapatan. Samantala, nagsumite ngayong araw, Pebrero 8, ang Anakbayan-WVSU at Kabataan Party-list ng ulat sa Commission on Human Rights Region 6 at itinulak ang isang imbestigasyon hinggil sa insidente.

AB: Paniniktik ng rehimeng Marcos gamit ang isang estudyante, inilantad at binatikos