Balita

Paninira sa isang komunidad-mangingisda sa Sorsogon, nagpapatuloy

,

Muli na naman naharap sa panggigipit at pananakot ang mga residente ng Barangay Cogon, Gubat, Sorsogon na tumututol sa tangkang pang-aagaw ng lupa ni Rep. Wilberto Lee, kongresistang kinatawan ng isang party-list.

Noong Nobyembre 7, alas-2 ng hapon sinira ng tatlong nagpakilalang security personnel ng Banco De Oro (BDO) ang natitirang bakod ng komunal na taniman ng mga residente. Una na itong sinira ng mga tauhan ng kumpanyang LKY ni Lee noong Oktubre 31.

Dalawa sa mga tauhan na kinilalang sina Rafael Hemedia alyas “Paeng” at Totoy Palicarpio, ay may dalang mataas na kalibre ng baril, habang ang ikatlong tauhan ay nakatakip ang mukha. Ayon kay “Paeng,” may basbas ng mga pulis ng Gubat at mismo ng hepe ng pulis sa Gubat ang kanilang operasyon.

Naghain ng reklamo sa barangay council ang mga residente hinggil sa insidente.

Ang inaagaw na lupa ng mga kumpanya ay bahagi ng “salvage zone” ng dagat at 30 metro ang layo mula sa dalampasigan. Ayon sa mga residente, may karapatan sila sa pangangalaga sa lupa dahil sila ang nagtanim ng mga puno ng niyog at nagpayaman rito.

Anila, walang karapatan ang BDO at LKY na angkinin ang lupaing ito. Ang BDO ay pag-aari ng malaking burgesyang pamilyang Sy, na siya ring may-ari ng mga mall na SM.

Nananawagan ang Save Gubat Bay Movement ng masusing imbestigasyon hinggil sa ugnayan ng LKY Corporation at BDO sa mga proyektong reklamasyon sa lungsod ng Sorsogon, at ang mga insidente ng panghaharas na ginagawa ng mga tauhan ng mga nasabing kumpanya labas sa mga mangingisda ng Gubat. Dapat rin umano tiyakin na ang karapatan ng mga lokal na komunidad ay naipagtatangol laban sa mga mapanirang gawain at interes ng mga may kapangyarihan.

Nananawagan rin sila na mapanagot ang mga nasa likod ng mga panggigipit at mabigyan ng proteksyon ang mga mangingisda sa kanilang sariling lupain at kabuhayan.

AB: Paninira sa isang komunidad-mangingisda sa Sorsogon, nagpapatuloy