Balita

Pekeng partido nagkukunwaring para sa katutubo, ipinananawagang idiskwalipika sa eleksyong party-list

,

Mariing binatikos ng mga grupong katutubo ang paghain ng kandidatura ng pasimuno ng Red-tagging sa ilalim ng nagdaang rehimeng Duterte. Panawagan nila sa Commission on Elections na agad na idiskwalipika ang pekeng partido na pinangalanan ng mga itong “Epanaw Sambayanan Partylist” na inirehistro ng mga ito para sa halalan sa sistemang party-list sa 2025.

“Ang mga nominado ng Epanaw ay walang karapatang angkinin na maging kinatawan ng katutubong mammamayan,” ayon kay Beverly Longid, National Convener ng KATRIBU. “Isinapanganib ng walang pakundangan nilang pagrered-tag ang buhay ng mga lider katutubo, organisasyon at mga komundidad.”

Noon pang 2022 tinukoy ng grupong Kontra Daya ang naturang partido bilang pakawala ng NTF-Elcac.

“Ang sistemang party-list ay nariya para bigyang-bose ang mga inaapi at bulnerableng mga sektor, hindi para maging ekstensyon ng panggigipit ng estado, na siyang kinakatawan ng mga nominado na sina (Marlon) Bozantog, (Lorraine) Badoy, at (Jeffrey) Celiz,” ayon kay Longid.

Panawagan niya sa mga katutubo na huwag hayaan ang tatlong ito na gamitin sila sa masamang balak ng pekeng party-list ng NTF-ELcac. “Nariyan (ito) para mas pag-ibayuhin ang pandarambong at karahasan sa aming mga lupain, at upang kami’y magkawatak-watak,” aniya.

Binatikos ni Amirah “Mek” Lidasan, co-chairperson ng Sandugo at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, ang pekeng party-list na ang ginagawa para sa NTF-Elcac ay tahasang kabaligtaran ng kapayapaan, kaunlaran, at kapakanan ng mga katutubo. “Sila ang nangunguna sa redtagging na nagreresulta sa pambobomba, pagpatay, at pagbakwit ng mga katutubong komunidad,” aniya.

AB: Pekeng partido nagkukunwaring para sa katutubo, ipinananawagang idiskwalipika sa eleksyong party-list