Balita

Permanenteng proteksyon para sa dinukot na aktibistang pangkalikasan, muling iginiit

,

Nagpiket sa tapat ng Court of Appeals ang mga grupong makakalikasan at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Enero 10 para suportahan si Francisco “Eco” Dangla III sa araw ng kanyang pagdinig para sa petisyon sa writ of amparo at habeas data at ang hiling na permanenteng proteksyon para sa kanya. Si Dangla at kasama niyang si Joxelle “Jak” Tiong ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Marso 24, 2024 sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan.

Umusad ang pagdinig matapos katigan ng Korte Suprema ang petisyon ni Dangla sa isang desisyon noong Setyembre 9, 2024 na isinapubliko noon Oktubre 30, 2024. Ang writ of amparo ay proteksyon sa mga indibidwal o grupong may banta sa buhay, kalayaan at kaligtasan mula sa militar, pulis at estado. Ang habeas data naman ay nag-oobliga sa mga ahensya ng estado na ilabas at sirain ang lahat ng dokumento o impormasyon na tinipon ng militar at pulis laban sa mga grupong ito.

Pinangalanan sa petisyon sina Philippine Army chief Lt. Gen. Roy Galido, Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil, Brig. Gen. Gulliver Señires bilang kumander ng 702nd IBde, Ilocos Region police chief Police Brig. Gen. Lou Evangelista at Police Col. Jeff Fanged bilang hepe ng pulis sa Pangasinan.

Sa temporaryong proteksyon na ibinigay ng Korte Suprema, pinagbawal sa nabanggit na mga upisyal militar at pulis at lahat ng mga entidad na maaari nilang pakilusin o utusan, na lumapit kina Dangla at Tiong at kanilang mga pamilya nang hanggang isang kilometro.

Nanawagan ang Kalikasan People’s Network for the Environment (PNE) sa Court of Appeals na kaagad bigyan ng permanenteng proteksyon si Dangla sa ngalan ng hustisya at pagtatanggol sa mga nagtataguyod ng karapatang-tao at kalikasan.

“Pinapaypayan ng walang tigil na paninira at pagbansag na terorista sa mga tagapagtanggol ng kalikasan ang biglang pagsirit ng mga kaso ng pagdukot,” ayon kay Jonila Castro upisyal sa adbokasiya ng Kalikasan PNE. Si Castro, at kasama niyang si Jhed Tamano, ay biktima rin ng pagdukot ng mga pwersa ng estado noong Setyembre 2023.

Ayon kay Dangla, ang pagsasampa niya ng petisyon ay hindi lamang magsisilbing proteksyon para sa kanya kundi sa kanyang mga kapwa tagpatanggol ng kalikasan. “Para mabigyan ng sapat na atensyon ang lumulubhang mga pag-atake [ng mga pwersa ng estado] sa buong bansa,” pahayag pa niya.

AB: Permanenteng proteksyon para sa dinukot na aktibistang pangkalikasan, muling iginiit