Balita

Petisyon para bitawan ng estado ang salapi sa bangko ng Cordillera People's Alliance, isinampa sa Korte Suprema

,

Naghain ng tinatawag na Petition for Review on Certiorari ang Cordillera’s People’s Alliance (CPA) at Cordillera Human Rights Alliance sa Korte Suprema noong Agosto 12 para iparepaso ang naging pagbasura ng Court of Appeals’ 10th Division noong Disyembre 2023 sa nauna nilang petisyon na kumukwestyon sa basehan ng gubyerno sa pag-freeze ng mga pag-aari at akawnt sa bangko ng CPA.

Ang ginawang pag-“freeze” o paghawak ng rehimeng Marcos at mga ahensya nito sa mga pag-aari at akawnt sa bangko ng CPA ay kaugnay ng arbitraryong pagtaguri ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa apat na kasapi at lider ng CPA bilang mga “terorista” sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL) na isinapubliko noong Hulyo 10, 2023. Ang apat na myembro ng CPA ay sina Windel Bolinget, Sarah Abellon-Alikes, Jen Awingan, at Steve Tauli.

Ipinataw ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang “freeze order” noon ding Hulyo 2023. Ayon sa CPA, naapektuhan nito ang mga operasyon at programa ng grupo katulad ng pagtulong sa mga biktimang naapektuhan ng natural na mga sakuna tulad ng bagyo. Sa panayam ng midya kay Bestang Dekdeken, pangkalahatang kalihim ng CPA, sinabi niyang arbitraryong at hindi makatarungan ang naturang pag-freeze.

“Naninindigan kami na walang dahilan upang bansagang terorista ang mga lider ng CPA na ang ginagawa lamang ay ipaglaban ang karapatan ng katutubong mamamayan sa Cordillera,” pahayag pa niya sa naturang panayam.

Hiniling ng CPA at CHRA sa 34-pahinang petisyon nila sa Korte Suprema na maglabas ng isang temporary restraining order o preliminary injunction laban sa AMLC na epektibong magpawawalang-bisa sa “freeze order.” Hiniling rin nilang isaisantabi ang desisyon ng Court of Appeals noong Disyembre 2023.

Dagdag dito, humiling ang grupo na magtakda ang korte ng oral argument hinggil sa kaso. Kasabay din nilang hiniling ang pagdedeklarang labag sa konstitusyon ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at Anti-Terrorism Act of 2020, na parehong ginamit laban sa kanila ng estado. Pinasasagot ng CPA at CHRA sa petisyon nila ang AMLC at ang ATC.

Ayon sa CPA at iba’t ibang human rights groups, ang arbitraryong pagbabansag ng ATC sa mga progresibong indibidwal at mga aktibista bilang terorista ay malaking dagok sa demokrasya at ginagamit lamang upang supilin ang mga kritiko ng gubyerno.

“Higit isang taon makalipas, nagpapatuloy ang CPA sa paglaban sa mga epekto ng pag-freeze [ng mga aset at akawnt] at ng designasyon (o pagbabansag),” pahayag ng grupo. Anila, bahagi lamang ang paghahain ng petisyon ng pakikibaka ng CPA sa mapanupil na mga patakaran ng gubyerno, at sa kabila nito ay patuloy silang nangunguna sa pakikibaka ng mga mamamayan ng Cordillera para sa lupa, buhay, dangal at likas na yaman.

AB: Petisyon para bitawan ng estado ang salapi sa bangko ng Cordillera People's Alliance, isinampa sa Korte Suprema