Balita

Petisyon para sa writ of amparo at habeas data ng dinukot na tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo, kinatigan ng Korte Suprema

,

Kinatigan ng Korte Suprema ang petisyon para sa writ of amparo at habeas data na inihain ng mga pamilya ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo na sina Dexter Capuyan at Roz Jamil “Bazoo” De Jesus. Isinapubliko ng korte ang resolusyon na may petsang Setyembre 9 noong nakaraang linggo lamang. Binigyan nito ng Temporary Protection Order ang mga kaanak ng mga biktima.

Sina Capuyan at de Jesus ay dinukot ng mga pwersa ng estado noong Abril 28, 2023 ng gabi sa Golden City, SM Hypermarket sa Taytay, Rizal. Ayon sa mga ulat, sapilitang isinakay ng di nakilalang kalalakihan ang dalawa sa isang sasakyan.

Mula sa isinagawang imbestigasyon, malaki ang paniniwala ng mga kaanak ng biktima at grupo sa karapatang-tao na mga pwersa ng estado ang dumukot sa mga biktima. Si Capuyan ay dati nang inakusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lider ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyong Ilocos-Cordillera at may patong sa ulo na ₱1,850,000.00 ang kanyang pagkakadakip. Sinampahan siya ng mga kaso ng pagpatay, bigong pagpatay at tangkang pagpatay.

“Ang paglalabas ng mga writ na ito ng Korte Suprema ay isang mahalagang hakbang sa ligal na laban para isiwalat ang katotohanan, tiyakin ang hustisya, at sa kahuli-hulihan ay ilitaw sina Capuyan at De Jesus,” pahayag ng abugado ng mga biktima mula sa La Viña Zarate & Associates.

Ang writ of amparo ay isang ligal na remedyo para sa mga taong nilabag ang kanilang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad o may banta ng “labag sa batas na aksyon o kawalang aksyon ng pampublikong upisyal o empleyado, o ng pribadong indibidwal o entidad.” Samantala, ang writ of habeas data naman ang magtutulak sa mga pwersa ng estado na isiwalat ang lahat ng impormasyon na hawak nito kaugnay sa mga dinukot.

Pagbabahagi ng mga abugado, itinulak ng resolusyon ng korte ang mga respondent kabilang ang mga matataas na upisyal ng Philippine National Police (PNP), ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at mga indibidwal tulad nina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz [ng National Task Force-Elcac], na naugnay sa naturang kaso, na magbigay ng detalyadong impormasyon kaugnay ng kanilang mga aksyon, datos at iba pang detalye sa pagkawala nina Capuyan at De Jesus. Pinagbawalan rin ang mga ito na lumapit sa mga kaanak ng biktima.

“Ang kaso ay rerepasuhin sa Court of Appeals sa darating na mga linggo,” ayon sa mga abugado. Handa ang mga kaanak ng biktima na tumestigo sa korte para ipahayag ang kanilang testimonya sa darating na mga pagdinig.

Malugod na tinanggap ng mga grupo sa karapatang-tao at tagasuporta nina Capuyan at De Jesus ang resolusyon ng Korte Suprema. Ayon sa Environmental Defenders Congress, “ang paglalabas ng writ ay nagbibigay diin rin sa kagyat na pangangailangang buwagin na ang NTF-Elcac na naging [pangunahing makinarya] sa pag-red-tag at pagtarget sa mga aktibista at tagapagtanggol ng kalikasan.”

AB: Petisyon para sa writ of amparo at habeas data ng dinukot na tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo, kinatigan ng Korte Suprema