Balita

Pinakahuling pagbasura ng Sandiganbayan sa kaso laban sa mga Marcos, tinawag na malaking inhustisya

,

Tinawag ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) na pagkakait ng hustisya sa mamamayang Pilipino ang bagong desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang kaso laban sa ₱276 milyon na nakaw na yaman ng mga Marcos. Ang desisyong ito ay inilabas noong Oktubre 4 at ang ikapito sa ilalim ng rehimeng Marcos.

“Muli na namang pinagkaitan ng hustisya ng Sandiganbayan ang mamamayang Pilipino,” pahayag ni Judy Taguiwalo, biktima ng batas militar at tagapagsalita ng CARMMA. Ibinasura ang naturang kaso kasunod ng “motion to dismiss” ng mga Marcos dahil diumano sa “inordinate delay” bunga ng kakulangan ng prosekusyon na usigin ang kasong ito sa nagdaang 37-taon.

Kabilang sa kaso ang 12 lupa at bahay sa Pilipinas at US na nagkakahalagang ₱276 milyon. Binili ang mga ito ng mga Marcos sa pamamagitan ng dummy nitong si Roman Cruz Jr. Kasama dito ang dalawang bahay at dalawang kondominyum sa Baguio City, isang gusali sa Makati, isang parsela ng lupa sa Metro Manila, at mga lupa at anim na kondominyum sa California, US.

May kabuuang 28 kasong kriminal at 43 kasong civil and forfeiture na isinampa laban sa mga Marcos sa Sandiganbayan mula 1986 hanggang 1995. Pito na sa mga kasong ito ang ibinasura, lahat sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Tinatayang ₱2.3 bilyong nakaw na yaman na ang nabawi ng mga Marcos mula sa mga kasong ito.

“Ang serye ng inhustisyang ito ay bumubuo ng isang padron na lantaran at hindi maitatanggi,” ayon kay Taguiwalo.

Pagdidiin ng grupo, napakalinaw na determinado si Ferdinand Marcos Jr na gamitin ang estado poder para bawiin ang lahat ng nakaw na yaman ng kanilang pamilya noong panahon ng kanyang ama.

AB: Pinakahuling pagbasura ng Sandiganbayan sa kaso laban sa mga Marcos, tinawag na malaking inhustisya