Balita

Presidente ng unyon sa pabrika ng papel at karton, sinibak ng kapitalista

,

Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang iligal na pagtanggal ng kapitalista ng Paperland Inc. sa presidente ng unyon dito na Militanteng Manggagawa ng Paperland Inc. (MMPI-ANGLO-KMU) noong Disyembre 22. Sinibak sa trabaho si Renato Ayroso dahil sa kanyang pagtindig para sa kanilang collective bargaining agreement (CBA) at iba pang mga karapatan ng manggagawa.

Ayon sa KMU, ginamit na kaso ng kapitalista laban kay Ayroso ang “insubordination” o hindi pagsunod sa atas ng awtoridad. “Matagal nang pinag-iinitan si Ayroso dahil sa kanyang paglaban para sa CBA, Occupational Safety and Health (OSH) inspeksyon at iba pang karapatan ng mga manggagawa,” ayon sa militanteng sentro sa paggawa.

Nagsimula ang panghaharas ng kapitalista kay Ayroso matapos ang matagumpay na paggiit ng MMPI sa Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng inspeksyon para sa OSH sa pagawaan noong Mayo. Kasunod nito ay sinuspinde si Ayroso nang 21 araw sa “pananabotahe ng rolyo ng papel” kahit walang malinaw na ebidensya.

Sinundan ang suspensyon ng pagsasara ng pabrika nang tatlong araw sa pagdadahilang mahina ang order ng papel. Dahil dito ay ilang araw lamang sa isang linggo ang naging pasok ng mga manggagawa.

Noong Setyembre 12, pinagmumura at pinagbantaan si Ayroso ng Plant Manager na si Jaime Abrenica. Sa halip na aksyunan ng maneydsment, si Ayroso pa ang inakusahan nitong nagbanta sa kapwa manggagawa. Gumawa pa ng paraan ang maneydsment para ipitin si Ayroso at pinagbantaang tatanggalin siya sa trabaho.

Para ipagtanggol ang kanilang presidente at unyon, nagsagawa ng kilos protesta ang mga manggagawa noong Oktubre 17 sa harap ng pagawaan nito sa Quezon City. Muli silang nakiisa sa pagkilos ng mga manggagwa sa harap ng DOLE sa Intramuros, Manila noong Disyembre 23.

Kasama ng MMPI sa protesta ang mga manggagawa sa ilalim ng Nexperia Philippines Inc Workers’ Union (NPIWU-NAFLU-KMU) para batikusin ang kawalan ng aksyon ng DOLE sa mga lantarang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Noong Disyembre 17, apat na upisyal ng NPIWU, kabilang ang pangulo nito, ang iligal na sinibak sa trabaho ng kapitalistang Nexperia.

“Nananatiling sunud-sunuran lang si Bongbong Marcos sa mga kapitalista kung kaya’t pinapayagan niya lamang ang mga pagbuwag sa unyon at mga tanggalan sa hanay ng mga manggagawa. Hindi ito ang una at hindi ito magiging huli,” pahayag ng KMU.

Sa harap nito, nanawagan ang grupo sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa na magkaisa at lumahok sa mga protesta laban sa mga gahamang mga kapitalista upang ipagtanggol ang ating mga unyon at labanan ang mga tanggalan.

AB: Presidente ng unyon sa pabrika ng papel at karton, sinibak ng kapitalista