Balita

Presyo ng langis, nadagdagan ng higit ₱10 sa loob ng 7 linggo

Mula Oktubre hanggang Nobyembre 18, anim na beses nang itinaas ng mga kumpanyang langis sa Pilipinas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Naka-anunsyo na rin ang ika-7 pagtaas na magkakabisa sa Nobyembre 26.

Resulta ng walang patid na pagtaas ang dagdag na ₱9.40-9.60/litro sa presyo ng gasolina; ₱13.60/litro sa diesel at ₱10.70/litro sa kerosin.

Mula Enero hanggang kalagitnaan ng Nobyembre, tumaas na ng netong ₱19.90/litro ang gasolina; ₱24.05 ang diesel at ₱8.65/litro ang kerosin. Noong Nobyembre 10, nasa ₱58.03/litro ang diesel, mula sa ₱44.43/litro mula unang linggo ng Oktubre.

Paulit-ulit na idinadahilan ng mga kumpanya ng langis, kakoro ang Department of Energy, ang mga heyopulitikal na sigalot bilang sanhi ng pagtaas ng presyo ng langis. Idinadahilan din ng mga kumpanya ang kunwa’y paglaki ng demand, kasabay ng pagkukumpuni ng mga repineriya. Nililimita diumano nito ang suplay. Walang nakakapagkumpirma sa mga dahilan na ito dahil hindi isinasapubliko ang paraan ng pagkwenta at pinagbabatayan ng mga pagtaas. Ang malinaw, galaw-kartel ang sabay-sabay na pagtataas ng mga kumpanya ng langis sa Plipinas.

Dagdag pasanin ng mga drayber, laluna ng mga pampublikong transportasyon, ang tumataas na presyo ng langis. Bago pa ang pinakahuling serye ng mga pagtaas, umaabot na sa ₱9,000/buwan ang lugi ng mga drayber, ayon sa Piston.

Lalo silang malulugi ngayon. Abereyds na nagkakarga ang isang dyip ng 30 litro ng diesel kada araw. Sa kasalukuyang presyo ng ₱58/litro, gagastos ang drayber ng ₱1,740/araw o mas mataas nang magdagdag ng ₱400-₱450 para sa buong araw na pasada. Luging-lugi ang mga drayber dahil nasa abereyds na ₱1,200-₱1.500 kada araw lamang ang abereyds nilang kita.

AB: Presyo ng langis, nadagdagan ng higit ₱10 sa loob ng 7 linggo