Presyo ng palay, sumadsad sa ₱13

Dumadaing ang masang magsasaka sa harap ng pagsadsad ng presyo ng pagbili ng palay ngayon pa namang nagsimula na ang anihan.

Sa Nueva Ecija, isa sa pinakamalaking palayan sa bansa, nasa ₱13 kada kilo ang presyo ng palay. Ito ang ibinunyag ng grupong kababaihang magsasaka na Amihan. Sa Cagayan, umaabot lamang sa ₱15 kada kilo ang bilihan nito. Ito ay habang nakatakdang tumaas ang presyo ng bigas nang ₱4-₱5 piso sa susunod na buwan.

“Kung magpapapatuloy ito hanggang Oktubre, malulugi na naman ang mga magsasaka. Dahil sa rice liberalization law, matinding danyos ang naging epekto nito lalupa’t ang nagtatakda ay private traders. Dapat talaga ang National Food Authority ang mamili ng palay sa halagang ₱20 kada kilo,” ani Zenaida Soriano, pinuno ng grupo sa pahayag nito noong Setyembre 13.

Sa harap nito, nakatakda pa ring tumaas ang presyo ng bigas nang ₱4-₱5 kada kilo. “(H)indi natupad ang pangako ni Marcos na gawing ₱20 kada kilo ang bigas at pangako ng Rice Liberalization Law na gawing ₱25,” ayon kay Soriano. “Tiyak na hindi na magiging abot-kaya ang bigas dahil hindi naman prayoridad ng gubyerno ang lokal na produksyon bagkus, patuloy na pag-asa nito sa importasyon.”

Maliban sa bigas, inasa pa rin ng gubyerno ang pagkain ng mamamayang Pilipino sa ibang bansa kagaya ng isda, mga gulay, karne, asin at iba pa. “Iba pa ang usapin ng smuggling na dapat sugpuin ng gubyerno,” aniya.

Noon ding Setyembre 13, kaarawan ni Marcos Jr, tumungo ang mga grupong magsasaka sa upisina ng Department of Agriculture sa Quezon City para batikusin ang kainutilan niya. Binansagan nilang “kunsumisyon” at di selebrasyon ang araw na iyun.

“Sa loob ng 74 araw niya bilang presidente at secretary ng Department of Agriculture, wala kaming nakitang kagyat at kongkretong solusyon sa pagresolba sa kalagayan ng mga magsasaka,” ayon kay Soriano. “Puro siya party at walang konsensya sa kabila ng napakaraming magsasaka ang naghihirap dahil sa papalalang krisis, napakataas na gastos sa pagsasaka, importasyon, at kawalang production subsidy.”

AB: Presyo ng palay, sumadsad sa ₱13