Prime Minister ng Bangladesh, pinabibitiw ng mga estudyante sa gitna ng karahasan ng estado

, ,

Lumalawak ang panawagan para sa pagbibitiw ng prime minister ng Bangladesh na si Hasina at kanyang gabinete sa gitna ng matinding pandarahas ng kanyang gubyerno sa mga protestang estudyante nitong nakaraang linggo. Ayon sa mga estudyante, ipinamalas ng gubyernong Hasina ang pasistang pangil nito at kagustuhan nitong supilin ang lahat ng klase ng pagtutol sa umiiral na rehimen.

Nagsimula ang mga protesta noong huling bahagi ng Hunyo pero sumiklab ito mula kalagitnaan ng Hulyo nang simulan ng estado ang marahas na pagbuwag sa mga pagkilos. Sa huling mga ulat, umaabot sa 174 ang napatay mula sa walanag habas na pamamaril ng mga pulis sa mga nagpuprotesta. Pinakamadugo ang pangmamasaker noong Hulyo 18, kung saan 22 estudyante ang naiulat na napatay. Umabot naman sa 2,400 indibidwal ang naibalitang inaresto. Liban dito, nagpatupad ng curfew at internet blackout ang estado ng Bangladesh. Sinupil din ang malayang pamamahayag, at tanging mga dyaryong maka-estado ang hinahayaang magbalita sa mga pangyayari.

Nagkamit ng paunang tagumpay ang protesta ng mga estudyante sa Bangladesh nang baguhin ng Korte Suprema ng bansa ang sistema ng pag-eempleyo para sa mga pusisyon sa gubyerno. Tinagurian ng mga estudyante ang sistemang ito bilang “discriminatory” dahil sa paglalaan nito ng 30% sa mga trabaho sa mga kaanak ng mga beterano sa paglaban para sa independensya ng bansa noong 1971. Iginiit ng mga estudyante na dapat gawing batayan sa pag-eempleyo sa burukrasya ang kwalipikasyon ng mga indibidwal (based on merit). Sa desisyon ng korte, ibinaba ang kota tungong 5% at 2% para sa mga pambansang minorya at may disabilidad. Ibinukas nito ang pag-eempleyo ng halos buong burukrasya (93%) alinsunod sa panawagan ng mga estudyante.

Sa harap ng matinding panunupil, naghapag ng 9-puntong mga demanda ang mga estudyante para papanugutin si Hasina at kanyang gubyerno.

Iginiit nila na dapat papanagutan ni Hasina ang maramihang pagpatay at hayagang humingi ng paumanhin para rito. Liban sa kanya, dapat ding magbitiw sa pwesto ang mga ministrong mula sa partidong Awani mula sa gabinete. Iginiit din ng mga estudyante ang pagsisibak sa mga pulis na nasa mga lugar ng protesta, gayundin ang mga upisyal ng tatlong unibersidad kung saan nagsimula at unang dinahas ang mga protesta.

Ipinaaaresto nila ang mga pulis at goons na lumahok sa pagbuwag sa mga rali. Dapat anila bigyan ng danyos ang mga pamilya ng mga napatay at nasugatan. Dapat din umanong ipagbawal sa mga unibersidad ang Bangladesh Chhatra League, ang bisig ng estado na pang-estudyante, at sa halip ay payagan ang pagbubuo ng mga unyong pang-estudyante. Dapat buksan na ang lahat ng mga eskwelahan at dormitoryo na isinara dahil sa karahasan.

Panghuli, iginiit nilang magbigay ng garantiya ang estado na walang gagawing panggigipit na akademiko o admistribo sa lahat ng lumahok sa mga nagprotesta.

AB: Prime Minister ng Bangladesh, pinabibitiw ng mga estudyante sa gitna ng karahasan ng estado